Anomalya sa bilyar
ANO ba iyan?! Pati ba naman ang asosasyon sa bilyar ay pinasok na rin ng katiwalian?
Mismong ang ating ipinagmamalaking world billiard champ na si Efren “Bata” Reyes ay umaangal. Aniya hindi na niya masikmura ang mga katiwalian sa liderato ng Billiards Snookers Congress of the Philippines (BSCP). Kaya si “Bata” kasama ang iba pang manlalaro ay nagdesisyong i-boykot ang organisasyong ito.
Bukod sa boxing, sa larangan ng bilyar tayo tinitingala ng daigdig. Maraming pera din ang ibinuhos ng gobyerno para mapaunlad at mapalakas ang sports na ito. Milyun-milyong piso ang nakalaan para sa mga National Sports Association (NSA) para tiyakin na magtatamo ng karangalan ang ating mga local na atleta. Pero nagagamit nga ba ang pondong inilalaan ng gobyerno sa tamang layunin o napupunta ito sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal ng sports associations?
Ibinulgar ni “Bata” alias “the Magician” ang katiwalian sa BSCP na umano’y tumanggap ng malaking pondo mula sa Malacañang. Itinuro ng grupo ni “Bata” ang chairman ng BSCP na si Yen Makabenta na anila’y ugat ng anomalya sa organisasyon na kinabibilangan ng mga sikat na cue-masters sa bansa. Ani “Bata” ang pondong inilaan sa BSCP ay napupunta sa Raya Sports, isang kompanyang umano’y pag-aari ni Makabenta. Ummm..totoo ba iyan Yen?
Ang akusasyon kasi ng mga tako-masters sa iyo ay conflict of interest daw. Ikaw ang chair ng BSCP pero at the same time, meron kang Raya Sports na anila’y nakikinabang sa milyun-milyong pondo na inilalaan sa BSCP. I guess Yen must be ready to explain dahil balak pala ng mga bilyarista na sampahan siya ng kasong graft at malversation.
Dapat marahil ay masiyasat muna ito at kung mapapatunayan ang culpability, huwag nang pag-isipan pa. Sibakin ang mga tiwaling sports officials.
- Latest
- Trending