Ba’t kaya hindi sikat ang pagkaing Pinoy sa ibang lahi?
MAHILIG ako sa pagkain kaya’t kahit saang lugar ako magpunta, ito agad ang hinahanap ko. Dito sa United States, naging malaking problema ko ang Pilipino food sapagkat limitado ang mga Pinoy restaurants dito. Maliban sa Los Angeles, San Francisco, San Diego, California at mangilan-ngilan sa ibang States na maraming Pinoy, wala nang restawran na nagluluto ng pagkaing Pinoy.
Bakit kaya hanggang ngayon, hindi pa nagiging popular ang pagkaing Pinoy sa mga banyaga gaya ng pagkaing Japanese, Chinese, Italian, Spanish, Mexican o Vietnamese. Hindi rin naman patatalo ang sarap ng lasa ng pagkaing Pinoy. Hindi matatalbugan ang sarap ng ating kare-kare, adobo, litson, dinuguan, sinigang, barbecue, kakanin, cakes at panghimagas.
Bakit kaya hindi sikat ang mga pagkaing Pinoy sa ibang lahi? May kulang pa siguro sa ating mga pagkain. Habang pinipilahan ng ibang lahi ang mga Chinese, Japanese, Italian restaurants, ang Pinoy restaurants ay tanging Pinoy lang ang customers. Siguro kung dadami ang branches dito sa US ng Goldilock’s, Chow King, Jollibee, Red Ribbon ay baka dayuhin na ang mga ito ng ibang lahi.
Dapat baguhin ang presentation ng mga pagkaing Pinoy. Paano kakainin ng mga Kano ang litsong baboy kung nakikita nila na may mansanas sa bibig ng baboy. Weird di ba? Kailangan pagandahin ang presentation ng adobo, kare-kare (siguro ay minus the bagoong). May pag-asa ang chicken, beef at pork barbecue sa mga Kano. Ganoon din ang sinigang at vegetable menu.
Magtulung-tulong ang lahat lalo na sa developmental programs, planning and promotions.
- Latest
- Trending