Hello Erap? Sa’n ang tape?
Nang unang napabalita ang “Hello Erap” scandal medyo na-intriga ako. Posibleng totoo. Hinintay kong ilabas ng mga whistle blower ang audio tape. Lumipas ang maraming araw, wala. Nagduda na ako. Sabi ko, ito’y puwedeng isa na namang political black propaganda.
Ang “Hello Erap” ay isa raw tape recorded phone conversation ni dating Presidente Joseph Estrada sa isang opisyal ng Malacañang. Nangako umano si Erap na hahatiin niya ang oposisyon kapalit ng panalo ng kanyang anak na si Jinggoy Estrada sa senatorial race noong 2004. Bukod sa pagwawagi ni Jinggoy, yan daw ang dahilan kung bakit si Presidente Arroyo ang nagwagi bilang Pangulo dahil nahati ang boto ng oposisyon na sana’y solido sa yumaong si Fernando Poe, Jr. Sa “Hello Garci” scandal na nagbigay ng pagdududa sa taumbayan tungkol sa panalo ni Presidente Arroyo sa eleksyon, may nai-prodyus na audio tape. Dinuktor o hindi, ito’y nakawasak sa kredibilidad ng Pangulo at nagdulot ng matinding political tension sa bansa.
Kaya ang hamon ngayon ni Erap sa mga may pakulo nito — “ilabas ang tape.” Isa pa, mahirap paniwalaan na maghuhudas si Erap sa kanyang kaibigang karnal na si FPJ.
Ayaw ko namang agad isiping ito’y isang black propaganda lang. Pero kailangan munang marinig ang tape bago tayo agad maniwala. Kung hindi, isa na naman iyang sabi-sabi na hindi dapat paniwalaan dahil tayo nama’y may sari-ling bait.
Kung ito’y fabricated allegation, sino kaya ang may kagagawan? Kung sino man siya, mag-aral munang mabuti sa DTU (dirty tricks university). Unang-una, wala siyang originality. Pumatok na ang “Hello Garci” at dapat mag-isip ng ibang diskarte. Pangalawa- hilaw ang eksposey niya dahil puro salita at walang hard evidence.
O sige. Babaguhin ko na lang ang opinion ko kapag narinig ko na ang tape. Linisin lang at ayusin ang pag-duktor ha. Sing-linis nung ‘‘Hello Garci”.
- Latest
- Trending