^

PSN Opinyon

Medrep na tinanggal dahil sa kapabayaan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -
NAGTRABAHO si Simon sa SPC bilang isang Professional Medical Representative noong June 5, 1995. Naging regular na empleyado siya noong December 1, 1995 at itinalaga siya sa Bicol Region. Ang pangunahing trabaho niya ay ang promosyon ng SPC at mga produkto nito sa mga doktor, ospital at paramediko, sa mga kalakalan at outlet ng gobyerno sa rehiyon. Upang maisagawa ang kanyang trabaho, binigyan siya ng isang kotse sa ilalim ng company car plan kung saan maaari niyang bilhin ang nasabing sasakyan sa loob ng dalawang taon sa halagang 10 porsiyento ng market value sa panahong bibilhin niya ito.

Dahil sa 90 porsiyento ng kanyang trabaho ay fieldwork, kinakailangan niyang magsumite ng Daily Coverage Report (DCR) tuwing Lunes o kaya’y ipadala ito sa Field Operations Manager upang malaman ng SPC ang kanyang mga nagawa. Kinakailangan din niyang magsumite ng "call cards" kung saan pipirma ang kahit na sino sa 80 doktor na kanyang bibisitahin sa isang linggo at tatanggap ng mga promotional items ng SPC.

Sa dalawang okasyon, napansin ng Field Operations Manager (FOM) na huli nang mag-file ng mga DCR si Simon. Ang mga DCR hanggang January 10, 1997 ay nai-file lamang niya noong March 13, 1997 at ang iba naman ay noong March 18, 1997. Hindi rin sinumite ni Simon ang DCR mula February 10 hanggang April 7, 1997. Napansin din ng FOM na kahit maraming doktor ang nakatala sa mga DCR na napuntahan ni Simon, ang mga call cards na dapat napirmahan ng mga doktor ay blanko. Kaya nang sabihan si Simon na ipaliwanag ang pagiging late niya sa pagsumite ng mga DCR at ang mga blankong call cards, sinagot lamang niya ng "Pagbigyan mo na lang ako boss. Tulungan mo na lang ako".

Ngunit, hindi siya pinagbigyan. Pinuntahan siya ng kanyang boss sa tahanan niya noong April 8, 1997 upang kumpiskahin ang kotse at mga paraphernalia na ginagamit niya sa field work pati na ang mga sample ng gamot at call cards. Kinabukasan, nag-apply si Simon ng tatlong araw na sick leave dahil sa umano’y diarrhea ngunit nang matapos ang leave niya ay di pa rin siya pumasok sa kanyang trabaho. Nagsampa na pala si Simon ng kasong illegal dismissal sa NLRC noong April 15 laban sa SPC, sa presidente, Division Manager at FOM. Sinabi niyang tinanggal siya noong April 8, 1997 nang kunin ang kanyang sasakyan at paraphernalia na ginagamit niya sa kanyang trabaho. Nagpadala pa rin ang SPC ng telegrama kay Simon noong April 16, 1997 na sinasabihan siyang mag-report sa trabaho ng April 18, 1997 dahil noong April 17, 1997 lang nito natanggap ang summons. Kaya’t hindi na sila sinipot ni Simon. Habang dinidinig ang kaso niya noong May 8, 1997; pinadalhan siya ng SPC ng sulat noong May 6, 1997 na nagtatapos ng kanyang serbisyo sa kompanya. Sinabi ng Labor Arbiter na ilegal ang pagkatanggal ni Simon sa trabaho, ngunit sinabi ng NLRC na may balidong dahilan upang siya’y tanggalin dahil sa kapabayaan nito bagama’t hindi siya nabigyan ng tamang proseso dahil April 8, 1997 siya’y tinanggalan ng mga kagamitan at sasakyan. Tama ba ang NLRC?

TAMA.
Malinaw na ang kapabayaan niya sa pagsumite ng mga DCR at call cards na magpapatunay sa kanyang mga nagawa sa loob ng isang linggo, ang nag-udyok sa SPC na siya’y tanggalin sa trabaho. Siya’y nagkasala ng gross negligence dahil sa paulit-ulit na di pagtupad sa tungkulin at tahasang kapabayaan sa pagtupad dito. Ngunit dahil sa hindi siya nabigyan ng angkop na proseso o kaya’y napadalhan ng dalawang "notice" bago siya tiniwalag sa trabaho, babayaran siya ng P30,000 alinsunod sa desisyon ng kasong Agabon vs. NLRC 442 SCRA 573 (Chua vs. NLRC, G.R. 146780, March 11, 2005, 453 SCRA 244).

BICOL REGION

FIELD OPERATIONS MANAGER

KANYANG

NIYA

NOONG

SIMON

SIYA

SPC

TRABAHO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with