^

PSN Opinyon

Hindi ako nag-resign sa bayan

AMBA’S BRIEFS - Roy Señeres -
UNA sa lahat, nais ko munang pasalamatan ang lahat na nag-text, tumawag at bumisita sa akin upang iparating sa akin ang kanilang pag-support sa aking decision na mag-resign bilang Chairman ng National Labor Relations Commission (NLRC). Sa kanilang lahat, at sa inyo na ring lahat, nais kong malaman ninyo na masaya po ako sa aking pag-lilingkod bilang pinuno ng NLRC, ngunit ako’y hindi na nasisiyahan sa pamumuno ng pamahalaang ito. Ako ay hindi nagbibitiw sa aking paninilbihan sa bayan, ako ay kumakalas lamang sa pamahalaang hindi ko na pinaniniwalaan.

Ano po ba itong nangyayari sa ating mga Pilipino? Tayo po ay nasasakal na halos sa sobrang kahirapan, walang puknat na krimen, walang habas na karahasan, at walang-katapusang katiwalian. Milyun-milyong Pilipino ang walang hanapbuhay. Libu-libo ang nagugutom at ang iba ay nabubuhay na lamang sa kung anong mapulot na tira-tirang pagkain sa basurahan upang malamnan ang kumukulong sikmura. Hindi halos mabilang ang mga kababaihan nating napapariwara sa ibayong dagat at inaabuso, hinahalay, at nilalapastangan araw-araw, makamit lamang ang pinapangarap na magandang bukas para sa mga mahal sa buhay.

Wala na po ni isa sa atin, ang ligtas sa iba’t ibang uri ng karahasan. Kamakailan lamang may isang punong-lungsod ang pinaslang sa sarili niya mismong punong-tanggapan. Isang naninindigang kongresista naman ang binaril sa ulo habang tahimik na kumakain sa isang restoran. Kaya pa ba ninyong bilangin ang mga periodistang pinapatay na parang mga manok dahil lamang sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin?

Sa harap ng ganitong mga kasuklam-suklam na pangyayari, nakalulungkot isiping halos lahat sa atin ay nagsisiwalang-kibo na lamang. Tuluyan na bang lumabo ang ating mga paningin? Nagkakalayo na ba ang ating mga puso’t damdamin? Tayo ba ay nagiging henerasyon na ng mga bulag, duwag, mangmang, at mga manhid? Ano bang bagay na may saysay sa ating henerasyon ang maaari nating maipamana o maipagmalaki sa mga susunod pang mga henerasyon? Hahayaan na lang ba nating masumbatan ng saling henerasyon na wala tayong ginawa habang ang ating Inang Bayan ay walang-awang ginagahasa, dinuduraan, niyuyurakan sa harap mismo ng ating mga mata? Tanungin natin ngayon ang ating sarili kung naging makabuluhan ba ang ipinamuhay nating lahat nitong ating kasalukuyang henerasyon!

Hangang sa susunod na linggo po.
* * *
Para sa inyong reaksyon, mag-email po sa [email protected]

ANO

ATING

HAHAYAAN

HANGANG

INANG BAYAN

NATIONAL LABOR RELATIONS COMMISSION

PILIPINO

TAYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with