^

PSN Opinyon

"Counter-punch ng boksingerong Commissioner"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NUNG IKA-14 NG MARSO, NAISULAT KO ANG TUNGKOL SA INSURANCE COMMISSIONER NA SI BENJAMIN S. SANTOS NA PINAMAGATANG "BOKSINGERONG COMMISSIONER..." NAGPADALA NG KANYANG KASAGUTAN ANG BINANGGIT NA COMMISSIONER AT PARA SA BALANSENG PAMAMAHAYAG, NAIS KONG ILATHALA ANG SULAT NITO SA AKIN.

"Walang naganap na boksing noong Oktubre 21 at 22, Singhalan, sigawan at bulyawan sa pagitan ni Commissioner Santos at ni Erwin Hizon, hepe ng Regulation, Liquidation and Conservatorship division, ang naganap noong mga araw na nabanggit. Ito ay tulak ng pagtatanong ni Commissioner Santos kay Hizon tungkol sa kapalpakan ng kanyang dibisyon hinggil sa nawawalang P11.4 milyon ng Wellington Insurance Co., isang kompanya ng seguro na nasa ilalim ng pangangalaga ng IC-designated conservator.

Noon pang Agosto 2, unang araw ng pamumuno ni Commissioner Santos sa IC, nawala ang pondong ito, pondong panagot sa mga insurance claims na inihain laban sa Wellington, ngunit tila itinago ang pangyayaring ito sa kaalaman ng bagong Insurance Commissioner.

Sa loob ng opisina ni Hizon na kung saan silang dalawa ni Commissioner Santos ay nag-uusap, pilit na ikinakaila ni Hizon na responsibilidad ng kanyang dibisyon ang usapin ng Wellington Insurance, at itinuturo pa niya na si Deputy Insurance Commissioner Vida Chiong ang may kinalaman tungkol dito. Sa puntong ito ay nagsinghalan ang dalawa at nauwi ito sa bulyawan. Wari ni Commissioner Santos na walang kauuwian ang sigawan, kaya’t nagmadali na siyang lumabas sa opisinang nabanggit. Ngunit inunahan siya ni Hizon, at sa gitna ng pintuan sila’y naggitgitan at dito’y napagkamalan ng mga empleyado na sila’y nagpang-abot.

Bunga din nito’y isang empleyada ang hinimatay.

Sa kasalukuyan, si Hizon at iba pa ay nahaharap sa kasong administratibo hinggil sa kanyang kapabayaan sa tungkulin. Gayundin, isa pang kaso na may kinalaman sa kanyang diumano’y paghingi at pagtanggap ng $200 mula sa isang kompanya ng seguro ang isinampa sa kanya.

Ang pagbabago sa istilo ng pamamahala sa loob ng Insurance Commission, ayon na rin sa inaasahan, ay naging sanhi ng pagbabago sa balangkas ng pamumunuan ng komisyon. Nagkaroon din ng bagong direksyon. Hindi totoong may mga taong "bagong hari" sa loob ng komisyon; bagkus, isang lideratong kolektibo ang naitatag at ito’y binubuo din ng mga taong dinatnan ni Commissioner Santos. Ang grupong ito ang nagmumungkahi ng mga ideya na nagpapatatag sa makatarungang desisyon ng Insurance Commissioner ukol sa mga usaping may kinalaman sa seguro.

Ang isang kapansin-pansin sa pagbabagong ito ay ang kawalan ng papel ni Deputy Commissioner Chiong sa lideratong kolektibo. Ito’y dahil na rin sa maraming kadahilanan, bukod pa sa reklamo ng mga kompanya ng seguro at publiko hinggil sa kanyang naging papel sa panahon ng kanyang pamamayagpag sa nakaraang pangasiwaan. At sa mga nakalipas na mga buwan, natunghayan ng ilang opisyal ng Insurance Commission ang maraming kapalpakan sa panahon ni Deputy Commissioner Chiong. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit nais ng bagong liderato sa Insurance Commission na ilagak muna si Ginang Chiong doon sa CESO pool, isang lagakan ng mga ehekutibo ng pamahalaan.

Kapansin-pansin din ang support at tiwala na inilagak ng mga division chiefs kay Commissioner Santos. Ang mga sulat na kanilang ipinadala kay Pangulong Arroyo at bagong hirang na Finance Secretary Cesar Purisima ay patunay sa suporta at tiwalang ito.

Maging ang mga kompanya ng seguro ay namamangha sa bilis ng aksyon ng Insurance Commission sa mga usaping inihain dito. Ang mga liham ng iba’t ibang asosasyon ng mga tao at kompanyang may kinalaman sa seguro ay patunay sa paghanga at suportang kanilang inilaan kay Commissioner Santos. Ngunit ang mga palpak na kompanya ng seguro, mga fly-by-night insurance firms, ay nangingisi lamang habang iginigisa si Santos ng mga kritiko.

Makakabuting mabatid ni G. Tony Calvento na mula Agosto 2004, nang si G. Santos ay naging Insurance Commissioner, ay walang nagbago sa plantilya ng komisyon. Ang tanging taong hila niya nang siya ay maupo sa puwesto ay ang kanyang chief of staff, na nagmula sa Department of Finance. Ang kanyang chief of staff ay kanyang katiwala sa komisyon.

Si Commissioner Santos ay 66 taong gulang, ngunit ang kanyang edad ay hindi balakid sa kanyang pag-ako sa mga tungkulin bilang Insurance Commissioner. Hayaan ninyong liwanagin ko:

Sa loob lamang ng pitong buwan ng kanyang panunungkulan, nagawa ni Santos ang mga bagay na nagawa sa loob ng maraming taon ng mga pinuno ng Insurance Commission. Maraming bilang ng palpak na kompanya ng seguro ang kanyang isinailalim sa masusing pagsusuri ng insuring public. Hiningi niya ang suporta ng kinauukulan upang palakihin ang capital ng mga kompanya ng seguro; ito ay upang matiyak ang kakayahan ng mga kompanya na makababayad sa mga insurance claims sa takdang panahon ng pagbabayad.

Sa loob mismo ng Insurance Commission, ipinatigil din ni Commissioner Santos ang madalas na field examination ng mga empleyado nito. Sa pitong buwan ng kanyang pamamalakad, napag-alaman ni Commissioner na marami sa mga field examiners na ito ay napapalit nang husto sa mga kompanya ng seguro, bagay na magpapaliwanag kung bakit malakas ang loob ng mga fly-by-night insurance firms na suwayin ang Insurance Code.

Ano ang masama, kung ginaganap namin ang flag ceremony sa loob ng Insurance Commission building? May bandila sa loob ng aming auditorium, at sa harap bandilang ito’y kami’y nagpupugay at inaawit ang Pambansang Awit. Ang masama ay tuwirang masamain ito ng aming mga kritiko."

MGA MAMBABASA NG "CALVENTO FILES" bahala na kayong tumimbang kung ano at sino sa palagay ninyo ang nasa tama tungkol sa isyung ito. Hangad natin at ng mga kawani ng Insurance Commission, pati na rin ang mga kumpanyang na nangangalakal dito na maayos ang sigalot sa loob ng ahensyang ito dahil kung hindi, ang publiko ang masasaktan sa kaguluhang ito.

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS MAGTEXT SA O9213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.

COMMISSIONER

COMMISSIONER SANTOS

HIZON

INSURANCE

INSURANCE COMMISSION

INSURANCE COMMISSIONER

KANYANG

SANTOS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with