^

PSN Opinyon

Pamatong, terorista

SAPOL - Jarius Bondoc -
PAANO, gan’un na lang ba? Matapos magsaboy si Elly Pamatong ng steel spikes sa mga kalye ng Metro Manila, pagpapasensiyahan na lang ba natin tulad ng hiling niya? At maghihintay na lang ba ang awtoridad ng isa sa 168 biktima ng flat tire na magdemanda, bago sila umaksiyon?

Terorismo ang ginawa niya. Galit siya dahil wala pang ruling ang Korte Suprema sa apela niya laban sa Comelec disqualification bilang presidential candidate. Bilang protesta, ginulo niya ang madla. Buti sana kung naghubad siya ng fez, Amerikana at kurbatang may disenyong US flag, at saka nagtatakbo sa Luneta. Wala sana siyang naperhuwisyo, liban sa mga manang na nagpapasyal du’n. Pero nanakot siya ng motorista, nanira ng pribadong pag-aari, at pinahamak ang buhay ng mga pasahero at pedestrian. Ginambala niya ang malayang paglalakbay, at karapatan nating maging matiwasay sa sariling kotse o pampublikong sasakyan.

Kung pababayaan na lang si Pamatong, mas malala ang maari niyang gawin. ‘Yan ang Broken Windows theory ng pagpapatupad ng batas. Kapag hinayaan mo ang isang gusali na may basag na bintana, iisipin ng mga dumadaan na walang may pakialam. Babatuhin ang iba pang bintana. Susulatan ng grafitti ang pader. Magiging pugad ng krimen ang kalsada sa harap ng gusali. Lalakas ang loob ng mga mandurukot at drug pushers. Baka may magahasa o mapatay pa sa pinabayaang kalye.

Nu’ng una, nagpapakita lang ng pagka-topak si Pamatong. Nu’ng naghihiyaw ang mga maka-Kaliwa laban sa pagbisita ni US President George W. Bush sa Manila, bumili siya ng TV air time. Naghihiyaw din siya na dapat maging 51st state ng US ang RP. Nakaupo siya sa isang trono. Sa gilid niya ay nakatayo ang isang unanong nakasuot-militar, nagwawasiwas ng bandilang Kano, at tumatango sa bawat sabihin niya.

Katawa-tawa siyang panoorin noon. Natawa muli ang madla nu’ng kumandidato siya pagka-Presidente kasabay ni Salve Bush, na lihim daw na kasintahan ni George W. Pero hindi na siya nakakatawa ngayon. Kung di siya ikukulong, baka maging opposition senator din siya, at gagamitin ang kaalaman sa batas para baluktutin ang batas, abogado pa naman!

BROKEN WINDOWS

ELLY PAMATONG

GEORGE W

KORTE SUPREMA

METRO MANILA

NIYA

PAMATONG

PERO

PRESIDENT GEORGE W

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with