^

PSN Opinyon

"Ang Bukas Para sa mga Graduates"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
Panahon na naman ng graduation. Kaalinsabay ng kaabalahan ng mga kandidato sa pangangampanya para sa darating na eleksyon, ay kaabalahan din naman ng mga estudyanteng magsisipagtapos kasama ang kanikanilang mga magulang para sa nalalapit na mahalagang araw.

Habulan ng mga requirements para sa mga nagnanais makasama sa mga magmamartsa. Kung minsan, paluhaaan pa sa mga instructors at professors na kuripot magbigay ng grades. Pinaghahandaan na ang damit at sapatos na isusuot, nagsusukatan na rin ng toga na kung minsan ay nagkakaubusan kaya’t may variation na ng kulay. Nag-iisip na rin ng pagkaing ihahanda para sa munting pagsasalo para maipagdiwang ang araw na ito. Iba d’yan sa restaurant kakain. (kung kaya ng bulsa.)

Nakatutuwa nga namang isipin na sa loob ng maraming taon na pagpasok sa eskuwela, paggawa ng homeworks at projects, pagpupuyat sa review para sa exams kinabukasan o di kaya’y oral recitation, research sa library, practice ng mga class presentations, at kung ano-ano pa. Isama pa natin ang pagpipilit na makapasok kahit nakakatamad dahil sa malakas na bagyo at sa mataas na bahang sasagupain sa daan, o di kaya naman’y ang grabeng traffic sa karaniwang araw na di na yata masosolusyunan. Sa wakas, matatapos na rin.

Sa parte ng mga magulang, matatapos na rin ang araw-araw na pagbibigay ng baon at karagdagan pang halaga para sa school projects. Kadalasa’y may mga simangot pang mukha dahil di napagbigyang madagdagan ang baon gayong tumaas na naman ang pasahe sa jeep.

Tapos na rin syempre ang mga pagkakataong kailangang mangutang ng 5-6 para maipambayad sa tuition fee at kung hindi’y di rin makakapag-exam ang anak. Matatapos na rin ang mga todong sermon sa anak dahil bumagsak sa klase o di kaya’y inuumaga sa paggimik gayung may pasok kinabukasan. Sa wakas, panibagong bukas na.

Higit sa lahat, sabik ang mga magsisipagtapos at mga magulang di lamang sa araw ng graduation na siyang maghuhudyat ng pagtatapos ng maraming hirap sa pag-aaral kundi sa mga susunod pang mga araw pagkatapos nito na siyang magbibigay daan sa katuparan ng pangako ng edukasyon… Ang pangako na isang maaya, maliwanag at masaganang buhay para sa mga nagtiyaga, nagsipag at nagsumikap upang makamit ito.

Ang malungkot na parte nito, isang karagdagang aspeto na hinuhudyat ng graduation ay daang libo na namang Pilipino na karagdagan sa mga unemployed.

Ito ang mapait ngunit naghuhumiyaw na katotohanan . At hindi natin ito puwedeng talikuran o ipagkibit-balikat lamang. Na kasabay ng pagdami pang lalo ng mga street crimes, patuloy na pagbaba ng piso sa dolyar, kaguluhang political, at patuloy na pagtaas ng bilihin-walang trabahong naghihintay para sa karamihan ng mga newly graduates. Marami pa ngang mga graduates ng mga nagdaang taon na hanggang ngayon naghahanap pa rin o di kaya’y nagtitiis sa hindi naman niya linya.

Para bang paralisado ang pamahalaan na hindi makakilos sa napakalaking suliraning ito. Nasaan na ang pangakong trabaho para sa lahat? Napako na naman!

Paano na ang maraming taong inilagi sa paaralan, ang pagsisikap at pagtitiyaga ? Mababalewala bang lahat? Hindi. Kailanma’y di dapat pagsisihan na inilagi ang mabungang panahon sa pag-aaral. Ang karunungan at kasanayan na nakuha natin mula dito ay habambuhay nating dadalhin. Ang isang magandang katotohanan ay mas mabuti pa rin ang may pinag-aralan dahil mas may hinaharap pa rin ito kahit sa naghihikahos na bansang tulad ng sa atin kaysa sa mga hindi pinalad na kamtin ito. Hindi rin naman natin dapat na ipagsandigan na komo graduate tayo ay puwede na. Sa tuwina’y dapat lakipan ng sipag, tiyaga, at determinasyon para magkaroon ng magandang bukas. Malaking bagay ang may pinag-aralan, ngunit hindi ito lamang ang magtitindig sa sarili.

Gaya nga ng nabanggit kanina, malapit na naman ang eleksyon, ibig sabihin maaring magpapalit ng liderato, magpapalit ng stratehiya at polisiya. Lahat silang mga kandidato, mangangako ng siguradong trabaho para sa lahat. Pero hindi lahat sila determinadong tuparin yun. (Dahil wala naman talagang ganun karaming trabahong nagaantay.) Sana meron ngang makagawa. May bukas pa.

Congratulations to the graduates and goodluck !

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09179904918. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA {"CALVENTO FILES, 7788442.

ARAW

DAHIL

GAYA

HABULAN

NAMAN

PARA

RIN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with