Kapag lumabag sa batas sa PRO11, kakasuhan agad!
HAPPY birthday Ate Claren!
••••••
Sa liderato ni PRO11 director Brig. Gen. Joseph Arguelles mahigpit na iniiwasan ang pag-usbong ng kultura ng “palusot” at “pakikisama” sa pagpapatupad ng batas. May punto si Arguelles dito ah, di ba mga kosa?
Kung sabagay, open secret naman ‘yan mga kosa na kaya tumitigas ang ulo, hindi lang ng mga kriminal, kundi maging ang mga influential na mamamayan dahil sa “well connected” sila sa kapulisan, pulitiko at mga matataas na opisyales ng gobyerno. Kaya hayun, paulit-ulit nilang nilalambada ang batas, at kadalasan na nilalabag ay ang batas trapiko.
“Kapag may nilabag na batas, hindi natin puwedeng palagpasin. Ipatupad ang batas agad-agad,” ‘yan ang bilin ni Arguelles sa kanyang PD at city directors at municipal chief’s of police. Ang warning ni Arguelles sa kanyang mga tauhan: “Ang pagpapatupad ng batas ay walang palugit at wala nang babala.” Araguyyy! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Mula nang maupo si Arguelles sa PRO11, itinaas niya ang antas ng serbisyo ng kapulisan upang makamtan ang layuning ligtas, disiplinado at maunlad na mamamayan. Tinugunan niya kaagad ang pet project ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na 5-minute response.
Sa buong rehiyon, pinaigting ng kapulisan ang pagtugon sa anumang tawag ng insidente at naramdaman kaagad ng mamamayan ang presensiya at malasakit ng kapulisan sa kanilang kapakanan. Eh di wow!
“Hindi puwedeng huli lagi ang kapulisan. Kailangan una sa serbisyo,” ani Arguelles.
Sa unang buwan ni Arguelles sa PRO11 muling nanumbalik ang tiwala ng mamamayan sa kakayahan ng pulisya. Mismooo! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sa totoo lang, binigyan prayoridad din ni Arguelles ang pagpapalaganap ng malawakang impormasyon ukol sa paggamit ng 911 emercgency hotline, na isinusulong ng liderato ni Torre.
“Walang dapat hindi makaaalam sa 911 hotline. Dapat bawat tahanan, bawat mamamayan may access sa agarang tulong,” aniya. Hindi lang naman kasi puro aksidente lang ang puwedeng i-report dito sa 911 hotline kundi maging ang mga crime groups at drug syndicate.
Kaya panay dayalogo ni Arguelles sa LGUs, barangay officials, community leaders at mga residente mismo para giyahan sila sa paggamit ng 911 hotline at pagreport ng presensiya ng kriminal at droga sa kanilang kapaligiran.
Mariin ang direktiba ni Arguelles sa kanyang mga tauhan pagdating sa droga. “Walang palakasan. Dapat tapat ang ulat,” ang giit niya. “Honest- to -goodness reports lamang ang dapat lumabas sa bawat drug clearing operations, sapagkat ang buhay at kinabukasan ng kabataan ang nakataya,” dagdag pa ni Arguelles. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Para kay Arguelles, ang bawat pulis ay dapat epektibong pinamumunuan, maayos na sinusuri, at binibigyan ng tamang direksiyon sa serbisyo. Kaya bahagi sa kanyang programa ang pag-assess sa mga personnel kung paano sila huhubugin, pakikilusin at ma-promote sa kanilang tungkulin.
“Make ‘your position count. Your performance will label your brand,” ang payo ni Arguelles. “Kung gusto nating makamtan ang mas maayos na bukas, kailangan nating pagbutihin ang ating serbisyo ngayon,” aniya. Abangan!
- Latest















