EDITORYAL - Ang anomalya sa mamahaling laptops

HINDI malilimutan ang pagbili ng PS-DBM ng 39,000 na laptops na nagkakahalaga ng P2.4 billion noong 2021. Ang laptops ay gagamitin ng mga guro para sa kanilang online teaching. Subalit sa pag-iimbestiga ng Senado, nabulgar na overpriced ng P979 milyon ang mga laptops. Nabulgar din na outdated na ang mga laptop at hindi maaring gamitin sa online teaching. Nalaman din na hindi lamang mga guro ang napagkalooban ng laptops kundi pati ang mga non-teaching staff ng DepEd, kabilang ang regional directors. Ang perang ipinambili sa laptops ay allocated para sa pondo ng Bayanihan To Recover As One Act.
Ang mga supplier ng laptops ay Sunwest Construction and Development Corporation, LDLA Marketing and Trading at VST-ECS Philippines Incorporated. Ang tatlong suppliers ang pinaboran ng PS-DBM. Anim na kompanya umano ang lumahok sa bidding.
Kamakalawa, ipinag-utos na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft at falsification laban kay dating Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, dating procurement service head ng Budget Department na si Lloyd Christopher Lao.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, nakitaan ng probable cause laban sa dalawang nabanggit na dating opisyal. Bukod kay Briones, pinasasampahan ng kaso sina dating DepEd Usec. Annalyn Sevilla, Alain Pascua, Asec. Salvador Malana III, dating DepEd directors Abram Abanil at Marcelo Bragado at dating executive assistant Alec Ladanga.
Ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong perjury laban kina dating PS-DBM OIC Executive Director Jasonmer Uayan, dating PS-DBM bids and awards committee chairman Ulyses Mora at Paul Armand Estrada.
Nangyari ang anomalya sa panahon ng pandemya kung saan ang bansa ay nagdaranas ng pagdarahop at hindi malaman kung saan kukuha ng pondo para iayuda sa mga apektado ng COVID-19.
Habang may problemado, marami naman palang opisyal ng pamahalaan ang abala sa pangungurakot. Isipin na rin ang kalagayan ng mga guro na dapat ay nakatanggap ng laptop subalit iba ang nakinabang.
Maraming guro ang nagsasadya sa mga remote areas para mahatiran ng modules ang mga batang walang kakayahang bumili ng computer para sa online learning. Habang may naghihirap na guro, maraming opisyal ng pamahalan ang nagpapakasawa sa kanilang kinulimbat.
Nararapat nang ilapat ang parusa sa mga nasa likod ng mamahaling laptops.
- Latest















