^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Durugin ang Sayyaf para mawala ang hinala

-
ISANG pinakamabuting paraan na magagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para makudkod ang putik na nakakapit sa kanilang uniporme ay ang pagpupursiging madurog ang mga teroristang Abu Sayyaf. Kapag nadurog nila ang mga terorista, mawawala ang alinlangan ng taumbayan sa kanila na may kutsabahang nangyayari. Malaking kasiraan sa AFP ang inilahad ni Gracia Burnham sa kanyang librong "In the Presence of My Enemies" kung saan ay sinusuplayan umano ng military ang mga terorista ng pagkain. Bukod doon nagde-demand pa ng 50 percent cut sa ransom money ang isang general. Ang cut sa ransom ayon pa sa paghahayag ni Gracia ay inayos ng isang local radio station.

Matindi ang akusasyong ito na kung hindi agad mabibigyan ng tamang kasagutan ay maaaring maiwan na sa isipan ng taumbayan. Ang hinala ay maaaring matuloy sa paniwala na may sabwatan ang military at Abu kung kaya hindi madakip ang mga matataas na lider. Maraming beses nang sinabi ng military na wala nang isang libo ang mga miyembro ng Abu Sayyaf at nagkakawatak-watak na ito. Bakit hindi nila madurog kung kakaunti na pala? Bakit may nakatatakas na miyembro kahit na nakasalikop na ang puwersa ng military. Nararapat ipaliwanag ang mga pangyayari na nagpapaikot sa ulo ng mapaghinalang taumbayan.

Sa paghahayag ni Gracia tungkol sa umano’y sabwatan, nabuhay naman ang unang ipinahayag ni Fr. Cirilo Nacorda, na binayaran ng mga terorista ang military para makatakas sa Torres Memorial Hospital na kanilang kinubkob noong 2001. Sinalakay ng mga terorista ang Lamitan, at maraming hinostage roon kabilang si Fr. Nacorda. Nang imbestigahan ng Senado ang akusasyon ni Nacorda, walang malinaw na resulta. Hanggang ngayon nasa serbisyo pa ang mga matataas na military officials.

Ang mga akusasyon ay tinanggi naman ng military. Wala anilang katotohanan ang inihayag ni Gracia sa kanyang libro. Gusto lamang umano nito na maging mabenta ang libro. Marami umanong sundalo ang namatay bago na-rescue ang mag-asawang Burnham at pagkatapos ay masakit pa ang akusasyon sa kanila. Bakit daw hindi sinabi ni Gracia ang pangalan ng general?

Ang kasiraan ay nangyari na. Nakakapit na ang putik. Kuskusin man ito ay mag-iiwan ng pangit na dumi. Ang tanging magagawa ng AFP ay pagsikapang madurog ang mga terorista. Iligtas ang dalawa pang babaing bihag. Kapag nagawa nila iyan, mawawala ang paghihinala. Ipakita na hindi sila ang inilalarawan ni Gracia sa kanyang libro.

vuukle comment

ABU SAYYAF

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

BAKIT

CIRILO NACORDA

GRACIA

GRACIA BURNHAM

IN THE PRESENCE OF MY ENEMIES

KAPAG

MILITARY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with