^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Linisin ang hangin

-
LAHAT ngayon ay naghahangad na makalanghap ng sariwa at malinis na hangin. Bawat isa ay naghahangad na makaiwas sa pumapatay na hangin na karaniwang narito sa Metro Manila at kumakalat na sa karatig probinsiya. Ngayon lamang naiisip ng marami na dapat na ngang kontrolin ang mga nagsasabog ng nakamamatay na hangin bago mahuli ang lahat. Salamat kay Bukidnon Rep. Nereus Acosta na principal author ng Republic Act 8749 kaya naisabatas ang Clean Air Act of 1999. Si dating President Joseph Estrada ang lumagda ng nasabing batas at muntik pang hindi maisakatuparan dahil sa pagtutol ng mga maimpluwensiyang negosyante, pulitiko at tatlong higanteng oil companies.

Pinagkagastusan at pinagdebatehan at umabot ng ilang taon bago naging batas ang Clean Air Act. Ang isang masama makaraang maibatas, hindi ito nagkaroon ng ngipin kaya hindi makakagat. Walang implementasyon at naging dekorasyon lamang. Ang mga pumirma sa batas at magpapasunod ay napako ang tingin sa sariling interes. Naagaw ng pulitika. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dapat sana’y manguna noong 1999 sa pagbibigay ng suporta sa Clean Air Act ay walang ginawa. Naging abusado ang mga may-ari ng mga pabrika, establisimiyento, ospital at walang takot kung gumamit ng incinerators. Ang paggamit ng incinerators at mga lumang makina ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas.

Natulog din naman ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at ang Land Transportation Office (LTO). Patuloy ang pagrehistro ng mga bulok na sasakyan na pangunahing nagdudulot ng nakamamatay na usok. Hindi na pinadadaan sa emission test. Dumami pang lalo ang mga tricycle na may two-stroke engines. Patuloy ang pagdagsa ng mga second hand vehicles mula sa China, Korea at Japan. Ang mga sasakyang ito ay karaniwang makikita sa EDSA at nagbubuga ng nakalalasong usok.

Ang pag-asa na makalanghap pa kahit kalinisang hangin ay nakasalalay ngayon sa bagong secretary ng DENR na si Elisea G. Gozun. Pinalitan ni Gozun si Heherson Alvarez na sinibak ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong nakaraang taon. Pinanghahawakan namin ang mga sinabi ni Gozun na magkakaroon ng full implementation ang Clean Air Act. Sinabi pa niya na walang makapipigil para ito maipatupad sapagkat ang kalusugan ng taumbayan ang nakasasalay.

Hindi naman sana ningas-kugon ang gagawing pagpapatupad sa batas. At sana’y magkaroon na rin ng political will ang DOTC at LTO sa isyung ito. Iligtas ang sambayanan sa killer hangin.

ANG DEPARTMENT OF ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES

BUKIDNON REP

CLEAN AIR ACT

DEPARTMENT OF TRANSPORTATION AND COMMUNICATIONS

ELISEA G

GOZUN

HEHERSON ALVAREZ

LAND TRANSPORTATION OFFICE

METRO MANILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->