^

PSN Opinyon

Da King sa 2004!?

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGSALITA na si Fernando Poe Jr. Hindi raw tatakbo sa 2004. Hindi raw siya interesado. Huwag na raw pag-usapan ang politika. Subalit ayaw mamatay ang bulung-bulungan. Bakit? Aba, ewan ko. Hindi nga ba tatakbo? Marami na ang nagsabi nito subalit kinain ang kanilang salita. Hindi siguro si Ronnie. Isa siyang maginoo at marangal na tao. Honest. Higit sa lahat, isang kaballerong may Palabra de Honor. Teka muna, ikaw na nagbabasa ng artikulong ito. Ikaw nga! Pakisuri nga kung ano ang mga ipinakita sa atin ni FPJ? Pumasok siya sa Pelikulang Pilipino at naging isa siyang Hari nito. Sinubukan niyang magdirihe. Si Ronwaldo Reyes (FPJ din ’yun ’tol) nakatanggap siya ng parangal dahil sa kanyang mga obra maestra. Pero ayaw lumaban ni FPJ sa 2004?

Paano na ang taumbayan? Anong masasabi ni Mediavillo, Asedillo, Daniel Bartolo, ni Panday, ni Totoy Bato? Di ba’t ganyan din ang takbo ng mga pelikula ni FPJ? Ayaw niyang lumaban sa umpisa. Nagpapaapi. Nagpapabugbog hanggang kaya pa. Putris, kahit na emote na emote na ang nasirang premyadong aktres na si Julie Vega, naubos na yata ang luha sa kasisigaw, "Itay, lumaban ka!" di natinag si Da King. Nang mapuno na ang salop, daig pa ang bagyo nang lumaban si FPJ. Giba ang dibdib nina Paquito Diaz, Max Alvarado, Max Laurel, Bomber Moran at sinu-sino pang goons ng sindikato. Hindi siya umurong kahit kanino. Mapa-huwes man, politiko, ulo ng sindikato, general at maski na sa mga impakto at laman-tao. Yan si FPJ!

Ilang ulit na nating nakita si FPJ sa pelikula na namumuno ng taumbayan para labanan ang mga salot sa lipunan? Marami na. Sobrang dami. Yan ang hinahanap ng taumbayan. Yan ang kanilang inaasahan. Isang Messiah. Isang tagapagligtas sa kalagayan nating lahat. Sino ba ang nagbago ng kasaysayan ng ating lahi? Noong EDSA I at II? Di ba ang masa? Di ba ang masa na rin ang nahihirapan sa ating kalagayan ngayon? Sila rin ang magdadala kay FPJ sa Malacañang sa 2004. Ibang politiko, kailangan pang magbayad para maiboto lamang, si FPJ libre makukuha ang boto ng tao. Isang boto ka lang. Isang boto lang tayong lahat. Pantay-pantay pagdating ng eleksyon. Ang mga sundalo at pulis, binabayaran para sa kanilang serbisyo sa tao. Para kay FPJ magsisilbi ito ng tapat at bahala na sa kanila si Bosing. Anong ibig sabihin nito? Isa lamang. Malakas ang dating ng panalo kay FPJ. Ito’y alam niya. Alam nating lahat ito.

Matatanggihan ba ng bida ang daing ng kanyang mga tagasubaybay na halos magpakamatay para sa kanya? Matatanggihan ba ni FPJ ang hiling ng tao na labanan ang kahirapan, katiwalian sa gobyerno, laganap na droga, sindikato sa kidnapping, carnapping at marami pang iba? Mahirap tanggihan ’yan. Masa na ang nagmamakaawa. Di ba milyun-milyon ang kanilang boto. Ito ang nililigawan ng lahat ng politiko. Hindi ba’t pati si Presidente Gloria ay pilit na nagmukhang Nora Aunor (nagpalaki pa yata ng nunal sa mukha?) noong huling halalan? Anong nangyari, iniwanan niya ng milya-milya ang kanyang kalaban bilang Bise-Presidente? Si FPJ di kailangan pang magpagalaw ng kanyang mukha para maging kamukha niya. Siya na ’yun. Kabahan na kayong mga nag-aambisyon. Kabado na nga sila.

Si FPJ sa 2004. Siya na nga ba? Tigil muna tayo. Ano ba ang ending ng halos lahat ng pelikula ni Da King na kanyang nagawa. Pagkatapos lumaban nila Mediavillo, Asedillo, Daniel Bartolo, Totoy Bato, ng Panday, pagkatapos maisaayos ni Da King ang lahat ng kaguluhan at talunin ang mga kaaway, di ba’t bumabalik ito sa isang matahimik na buhay at ibinibigay sa taumbayan ang pagpapatakbo ng bayan? Parang isang Agila na lilipad ng pagkataas-taas sa tahimik na kalangitan, handang dumagit muli sa ngalan ng bayan.

Oops, oops! Kanino maiiwan ang pamahalaan? Kay Senador Ping Lacson? Sen. Edong Angara? Sen. Noli de Castro, Raul Roco? Inakup, suskup! "WAG NA LANG!"

Para sa inyong mga opinyon, mensahe at iba pa, tumawag lamang kayo sa 7788442 o mag-text sa 09179904918 para mailathala ko. Maraming salamat at magandang araw po. Thank you, Lord.

ANONG

ASEDILLO

BOMBER MORAN

DA KING

DANIEL BARTOLO

FPJ

ISANG

PARA

TOTOY BATO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with