^

PSN Opinyon

Editoryal - Lagyan ng ngipin ang Anti-Mail Order Bride Law

-
Sa kabila na mayroon nang Anti-Mail Order Bride Law dito sa ating bansa, marami pa rin ang lumalabag. Lantaran pa rin ang ginagawang pagma-match sa mga Pinay sa mga dayuhan para maging asawa, na ang kinahahantungan nama’y trahedya. Sa nangyayari, walang silbi ang nasabing batas na nilikha noong 1990. Pinagpagurang likhain, pagdebatehan at sa dakong huli’y wala ring ngipin. Walang naparurusahan. Ngayo’y mas lumubha pa sapagkat naging hi-tech na ang pagpili sa mga Pinay na gustong asawahin ng mga dayuhan. Sa pamamagitan ng internet ay maaari nang pumili ang dayuhan ng Pinay – para bang bibingka na nakatinda. Tatakam-takam ang mga dayuhang nagsu-surf sa internet sapagkat napaka-babata nang naka-anunsiyo. Mayroong 14 anyos pa lamang.

Tatlong websites companies ang nagtitinda sa mga Pinay: www.filipina.com, www.filipinawife.com at www.filipinalady.com. Sa halagang two dollars hanggang 60 dollars ay maaari nang mabuklat ang catalogues ng mga Pinay. Makikita ang kanilang pangalan, tirahan, gulang, pinag-aralan at mga pangarap sa buhay. May ilan pang Pinay na nakaaakit ang suot na damit at parang sinadya upang madaling makaakit ng dayuhan. Karamihan sa mga Pinay ay taga-probinsiya – partikular sa bahaging Visaya at Mindanao. Iilan ang taga-Metro Manila.

Kapansin-pansin din na halos ay iisang lugar ang pinanggalingan ng mga Pinay. Parang magkakabarangay. Ang paniwala nami’y may isang ahente na sadyang nagtungo sa barangay upang mag-interbyu at kumuha ng impormasyon at retrato sa mga Pinay. Marahil din, hindi alam ng mga Pinay na sila ay ilalagay sa internet. Kung magaling ang ahente, tiyak na madaling mabobola ang Pinay lalo na kung naghihirap sa buhay. Sa kawalan ng pag-asang dulot ng kahirapan, marami ang naghahangad makapag-asawa ng dayuhan na hindi nila alam na kabiguan at kamatayan ang kahahantungan.

Noong Huwebes, dalawang Americans na nakilalang sina Larry Pendarvis at Delaney Davis ang hindi pinayagang makapasok sa bansa. Ang dalawa ang may-ari ng World Class Service at Davis Place International Services na nag-ooperate sa tatlong websites. Blacklisted ang dalawa sa Bureau of Immigration. Kinasuhan din sila ng Deparment of Tourism dahil sa paggamit ng logo ng departamento.

Nararapat lamang ang ginawa sa dalawang Amerikano. Dapat namang kumilos ang mga awtoridad sa paghanap kung sino ang mga Pinoy na kontak ng dalawang Amerikano. Dapat silang parusahan. Lagyan ng ngipin ang Anti-Mail Order Bride Law para sa kapakanan ng mga Pinay.

AMERIKANO

ANTI-MAIL ORDER BRIDE LAW

BUREAU OF IMMIGRATION

DAPAT

DAVIS PLACE INTERNATIONAL SERVICES

DELANEY DAVIS

DEPARMENT OF TOURISM

LARRY PENDARVIS

PINAY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with