^

PSN Opinyon

Editoryal - Bantayan ang masamang damo

-
NASISIGURO na ang wakas ng Abu Sayyaf. Paliit nang paliit ang landas na kanilang tinatakbuhan dahil sa pagsalakay sa kanila ng mga sundalong Amerikano. Lalong lumakas ang atungal ng pagpulbos sa mga bandido nang ipakita ang video ng pagpugot sa telebisyon.

Habang ginagapang ang mga bandido sa Basilan, nabubura na rin naman ang mga bandidong miyembro ng Pentagon. Ang Pentagon ay walang ipinagkaiba sa Abu Sayyaf. Nangingidnap din at pumapatay. Pinaniniwalaang ang mga miyembro ng Pentagon ay mga tumiwalag na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Unti-unti nang nalalagas ang Pentagon at nabubunutan na ng tinik si President Gloria Macapagal-Arroyo.

Isang mataas na lider ng Pentagon ang naaresto noong Sabado sa isang lodging house sa Quiapo, Manila. Ang pagkakahuli kay Faisal Marohombsar alyas Commander Mumbarak II ay simula na umano ng pagkawasak ng grupo. Kasamang nadakip ni Marohombsar ang kanyang asawa at pitong iba pa.

Ang Pentagon ang responsable sa pagdukot kay Italian priest Fr. Giuseppi Pierantoni noong Oct. 17, 2001. Ang grupo ring ito ang dumukot sa apat na Chinese nationals na nagtatrabaho sa isang road project sa Mindanao.

Sila rin ang kumidnap sa Chinese engineer na si Zhang Zhongkian na nagtatrabaho sa isang irrigation project sa Matalam, North Cotabato. Walong milyon ang hininging ransom para palayain si Zhang. Nang ideliber ang ransom, kinidnap naman ang nagdeliber na kinabibilangan ng tatlong Chinese at isang Pinoy guide. Marami pang kinidnap ang grupo, na lalong nagpalala sa masamang imahe ng Pilipinas. Bagay na nagdulot para katakutang puntahan ng mga dayuhan ang Pilipinas.

Totohanan na ang pagbuwag sa mga bandido sa tulong ng mga Kano at nakikita na ang palatandaan na matatahimik ang Mindanao. Ang tanong ay hanggang kailan ang pagtahimik. Pagkaraang mapulbos ang Abu Sayyaf at Pentagon, gaano kasiguro na walang bagong grupo ng mga bandido ang susulpot. Sa hirap ng buhay, hindi kaya may sumibol na namang masamang damo sa paghahangad na magkaroon ng pera.

Ngayong nakikita na ang liwanag sa pagdurog sa mga bandido, bantayan na ang mga sisibol pang masamang damo at kasabay nito, pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pagpapaunlad sa maraming bahagi ng Mindanao. Pagkalooban ng magandang buhay ang mga mahihirap doon na madalas malimutan ng gobyerno.

ABU SAYYAF

ANG PENTAGON

COMMANDER MUMBARAK

FAISAL MAROHOMBSAR

GIUSEPPI PIERANTONI

MINDANAO

MORO ISLAMIC LIBERATION FRONT

NORTH COTABATO

PENTAGON

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with