^

PSN Opinyon

LISTO LANG - Kasalanan

- ni Joel Palacios -
Idineklara kamakailan ng simbahang Katoliko na makasalanan ang mga Freemasons o mga Mason. Ang mga katolikong naging mason ay hindi na pahihintulutang tumanggap ng kumunyon katulad ng mga nangangaliwang mister at mga hiwalay sa asawa. Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang mga doktrinang isinusulong ng mga Mason ay maaaring isuwato sa mga pangaral ng simbahan. Hindi daw nararapat na tawagin ng mga mason ang Diyos bilang ‘‘dakilang arkitekto’’ ng sanlibutan. Sabi ng CBCP ang pagsanib sa samahan ng mga mason ay mahigpit na ipinagbabawal sapagkat nalulugmok ito sa kasalanan. Ipinagkakait sa kanila ang maging ninong sa mga kasal at binyagan at mapagkalooban ng basbas ng simbahan kung sila ay pumanaw. Labis ang ginagawang pang-aalipusta ng CBCP sa mga Katolikong mason, dahil lamang sa mga bintang at haka-haka. Hindi nila lubos na maunawaan na ang masonry ay kapatiran at hindi relihiyon. Walang isinusulong na aral o teolohiya ang samahan ng mga mason. Wala itong iniaalok na sakramento at hindi rin ito nangangako ng kaligtasan sa sangkatauhan. Ang pagkamuhi ng CBCP ay sumasalamin sa galit ng mga prayle sa isang grupo na nangahas labanan ang kanilang pagmamalabis. Ang pahayag ng CBCP ay sumasakop lamang sa mga mason sa Pilipinas. Sa ibang bansa, maraming seserdote ay mason. Marami sa kanila ang handa pang makinig at buksan ang kani-kanilang mga isipan sa katotohanan.

Tiwaling pulis: ‘‘Ang sabi ng obispo, makasalanan daw ang mga mason.
Hindi dapat silang pahintulutang makatanggap ng kumunyon kasama natin.’’

Gahamang kolektor ng buwis:
"Kung ako ang tatanungin, ayaw kitang makasabay sa banal na kumunyon. Makapaghanap ng bagong simbahan.’’

Drug lord.
‘‘Ang tinutukoy ng simbahan ay ang mga mason. Hindi ko gusto ang tono ng pananalita mo. Ibahin natin ang paksa. Pag-usapan na lang natin kung ano ang ginagawa ng mga mason sa kanilang mga pagpupulong.’’

Ang kapatiran ng mga mason ang itinuturing na pinakamatandang samahan sa buong mundo. Tinatayang may apat na milyong miyembro ang samahan sa bawat panig ng mundo kabilang na ang 16,000 sa Pilipinas. Ilan sa mga prinsipyo na kanilang isinusulong ay pagtupad sa batas, at ang pamumuhay ng tuwid at marangal. Kampon ng kasamaan ba ang mga mason? Matatandaang ilang sandali bago kitlin ang buhay ng isang bilanggo pinahintulutan siyang tanggapin ang banal na sakramento. Ilang linggo bago dito, marubdob na ipinaglaban ng mga pari at madre para sa kanyang kapatawaran. Higit pa bang makasalanan ang mga mason kaysa sa mga walang awang umalipusta sa kanyang sariling dugo at laman? Sino nga ba ang hindi makasalanan sa atin? Maging ang mga alagad ng Diyos ay may bahid ng pagkakasala. Ang kasalanan ay hindi maaaring ikubli sa ilalim ng abito.

AYON

CATHOLIC BISHOPS CONFERENCE OF THE PHILIPPINES

DIYOS

GAHAMANG

HIGIT

IBAHIN

MASON

PILIPINAS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with