^

PSN Opinyon

Aksyon NGAYON - Erap takot kay Singson ?

- Al G. Pedroche -
IYAN ang katanungang naglulumaro sa isip ko. Bakit kitang-kita ang pagbusal sa bunganga ni Ilocos Sur Governor "Chavit" Singson ng Kamara de Representante?

Mantakin ninyong kunwa’y inimbita pa siya para mag-testify sa House Committee on Public Order and Security hinggil sa akusasyon nito na maraming high ranking official ng gobyerno pati na si Presidente Estrada ang humahakot ng milyones mula sa operasyon ng jueteng sa bansa.

Pagkatapos, imbes na papagsalitain si Singson ay katakut-takot na walang kabuluhang debate ang ginawa hanggang sa maubusan ng oras at hindi na tuloy nakapagsalita ang pobreng gobernador.

Iminamatuwid ng mga mambabatas ng mayorya na hindi sila ang proper forum para gawin ni Singson ang pambubulgar laban sa Pangulo.

Bakit hindi siya pinabayaang magsalita? Kung hindi totoo ang kanyang ilalahad, si Singson ang sasabit at maaaring makasuhan at mabilanggo. Bakit nais ng Kongreso na magsalita man si Singson laban sa Pangulo ay burahin ito sa record?

Kung nagsisinungaling si Singson, mas lalong dapat ilagay sa record ang kanyang salaysay upang maging ebidensya laban sa kanya.

Dahil sa gulong nalikha sa Kongreso, nag-walk-out nang tuluyan ang mga minoryang mambabatas sa pangunguna ni Minority Leader Sonny Belmonte. Wala nga namang saysay ang ganyang sesyon. Aksaya lamang ng oras.

Obvious na ang ginagawa ng administrasyon para pigilin ang pagsisiwalat ni Singson.

Dahil sa exposé ng gobernador, binubuhay ang kaso ng katiwaliang nagkakahalaga ng P2 bilyon laban sa kanya.

Kamakalawa, naka-schedule umano si Singson na ma-interview ng kaibigan nating si Gene Orejana para sa ABS-CBN. Pero nang naka-make-up na at ready for interview si Singson, biglang tumanggap ng tawag ‘mula sa itaas’ si Orejana at inutusan siyang kanselahin ang panayam.

Hindi tayo naghuhusga sa administrasyong ito. Pero kung totoong wala itong bahid dungis, bakit ito takot mailantad ang mga sinasabing ebidensya ni Singson? Bayaan ninyong gisahin ni Singson ang sarili sa sariling mantika. Iyan ay kung buo ang paniniwala ninyong sinungaling siya.

Nararamdaman kong taos ang pagsisisi ni Singson. Na-involved siya sa malawakang operasyon ng jueteng at tinatagurian din siyang gambling lord. Pero sa tingin ko’y nagsisisi na siyang ganap at lakip ng kanyang pagsisisi ay ang katungkulan niya upang ilantad ang mga taong kasangkot sa maruming operasyong ito ng jueteng.

Kaya tulad nang pahayag ni dating Presidente Cory Aquino, dapat lumitaw ang katotohanan. At naniniwala akong bilang na ang araw ng mga may-sala at natatakot sa pagbubunyag ni Singson. At kung kalooban ng Diyos, ang Diyos mismo ang kakalos sa kalabisan ng mga umaabuso!

BAKIT

DAHIL

DIYOS

GENE OREJANA

HOUSE COMMITTEE

ILOCOS SUR GOVERNOR

KONGRESO

MINORITY LEADER SONNY BELMONTE

PERO

SINGSON

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with