Bigas at pera mula sa mga kandidato, tanggapin — Las Piñas Dad
MANILA, Philippines — Hiniling kahapon ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos sa mga botante na huwag masilaw sa salapi at mga ayuda na ibinibigay ng mga kandidato bago pa magsimula ang kampanya para sa May 2025 elections at sa halip ay tanggapin ang ‘bigas at pera’ na ipinamumod ng mga ito pero iboto ang kursunada pagdating ng halalan sa Mayo.
“Kunin ang pera kung sakali. Pero iboto niyo ang gusto niyo,” ani Santos. “Hiyain ang vote buyer! Walang vote buyer kung walang vote seller,” dagdag pa ng konsehal.
Sinabi ni Santos, nabanggit din umano ni Archbishop Socrates Villegas na ang ilan ay nakatatanggap na ng ayuda bago pa man magsimula ang campaign period subalit hindi ito tulong sa halip, ito ay maagang corruption.
Paliwanag ni Santos na ang mga ayuda na mula sa gobyerno tulad ng bigas, noodles at sardinas ay galing sa buwis ng bawat Pilipino na dapat hindi tanawin bilang isang utang na loob sa isang politiko.
Payo ni Santos sa mga botante, huwag matakot sa banta na malaman kung sino ang iboboto mo dahil “computerized na ngayon ang election at ikaw lamang ang nakakaalam ng boto mo.”
Ani Santos, may ayuda man o wala, iboto ang karapat-dapat na kandidato na may malasakit at plata porma de gobyerno para sa lungsod hindi ‘yung ipinapangako na maabot ang buwan at bituin para lang iboto.
Pinayuhan kahapon ni Commission on Election (Comelec) chairman George Garcia ang mga botante na huwag maniwala sa mga matatamis na pananalita at pangako ng mga politiko tuwing eleksiyon.
- Latest