AKAP hindi pork barrel – DSWD
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay hindi isang pork barrel.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Gatchalian matapos ang pahayag ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio kung saan inihalintulad niya ang cash assistance ng AKAP sa kontrobersyal na pork barrel system at nagmungkahi na ang mga opisyal ng barangay ang magsumite ng listahan ng mga benepisyaryo.
Paliwanag ni Gatchalian, hindi ang mga opisyal ng barangay ang responsable sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng programa kundi ang field offices ng DSWD.
Ang mga social worker din aniya ng DSWD ang nagpoproseso ng mga aplikasyon para sa AKAP at sila ang nagdedesisyon kung magkano ang halaga ng tulong na matatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Subalit nilinaw ng kalihim na walang probisyon sa mga patakaran ng AKAP na nagpapahintulot sa mga opisyal ng barangay na tukuyin ang mga benepisyaryo ng cash aid ng programa.
Dagdag pa ni Gatchalian na bagama’t ang mga mambabatas at lokal na opisyal ay maaaring mag-refer ng mga potensyal na benepisyaryo, ang mga social worker ng departamento ang siyang nagsasala ng listahan ng mga tatanggap.
Sa ilalim ng panukalang 2025 national budget naglaan ang kongreso ng P26-bilyong pondo para sa AKAP, at inaasahang pipirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na linggo.
- Latest