Gymnastics, pickleball sa TOPS
MANILA, Philippines — Ang mga pinakabagong balita sa gymnastics at pickleball ang pag-uusapan sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayon sa PSC Conference Room sa Manila.
Tatalakayin ni coach Normita ‘Boots’ Ty ng PGAA STY Gymnastics ang kanilang paghahanda para sa darating na 9th STY international Gymnastics Cup sa Oktubre 18 hanggang 20 sa Muntinlupa Sports Complex.
Makakasama niya sa pang alas-10:30 ng umagang sesyon sina gymnast Avielle Caballes, ang gold medalist sa 2024 Palarong Pambansa sa Cebu City, at Youth and Sports Development Organization (YASDO) head Cynthia Viacrusis ng Muntinlupa.
Ikukuwento naman ni Bien Zoleta ang paglahok niya sa nakaraang World Pickleball championships.
Nakamit ng 26-anyos na SEA Games champion ang dalawang gold medals sa world meet ng pinakabagong kinahihiligang sports ng mga Pilipino.
Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo Merana, sports editor ng Pilipino Star Ngayon, ang mga opisyales at miyembro pati ang mga sports enthusiasts na makiisa sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Mapapanood ang sesyon via livestream sa TOPS Usapang Sports officials facebook page, Bulgar Sports at sa Channel 8 ng Pinoy Ako (PIKO)—ang pinakabagong network mobile apps na libre.
- Latest