OFW Wing sa NAIA bukas na
MANILA, Philippines — Binuksan na ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang Overseas Filipino Worker (OFW) wing na layong mapabilis at mapahusay ang pagproseso ng imigrasyon para sa mga manggagawang Pilipino na naglalakbay sa ibang bansa.
Ang bagong pagpapalawak ay naaayon sa layunin ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos, Jr. na mapabuti ang mga serbisyo para sa mga OFW, na kinikilala ang kanilang malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
Nagpahayag ng pasasalamat si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga awtoridad sa paliparan para sa pagpapalawak ng lugar ng imigrasyon, na makakatulong sa pag-decongest ng mga linya ng pagproseso, lalo na sa panahon ng peak travel season.
Aniya, patuloy na inuuna ng gobyerno ang mga hakbang na magpapadali sa paglalakbay habang tinitiyak ang seguridad sa hangganan.
Dagdag pa nito, ang pagbabago ay nagresulta sa mas maikling pila ng mga papaalis na pasahero, kabilang ang mga Pilipino at dayuhang turista, na pinoproseso sa mga regular na immigration counter ng paliparan.
Pinasalamatan din ni Viado ang Department of Migrant Workers (DMW) at New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) sa kanilang suporta sa pagpapadali sa matagumpay na pagpapatupad ng proyekto.
- Latest