Chinese national arestado sa parcel ng droga

MANILA, Philippines — Isang Chinese national ang inaresto ng Pasay City Police Station sa tangkang pagpapadala ng parcel na naglalaman ng iligal na droga sa isang courier company, sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Chao Meng, 38, na dinakip ng mga tauhan ng Sub-station 10 ng Pasay Police alas-9:45 ng gabi ng Abril 27, 2025, sa aktong magpapadala ng iligal na droga sa isang forwarding sa isang mall sa Pasay.
Nabatid na nabisto ng mga empleyado ng forwarding company ang 54.8 gramo ng shabu na katumbas ng P372,000.00 na inilagay sa pulang envelope at ipadadala sa China.
Kasama sa nakuhan at dokumentadong ebidensya ang isang reusable FedEx plastic pack; shipment form; deeds of agreement, isang cellphone at identification card ng suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek, habang nakabinbin ang inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest