Caloocan LGU prayoridad mental health ng ‘Batang Kankaloo’
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na tutukan nila ang isyu ng mental health at depression na nararanasan ng mga ‘Batang Kankaloo’.
Ang paniniyak ay ginawa ni Malapitan matapos ang isinagawang Mental Health Awareness Seminar ng Local Youth Development Office (LYDO) na layong maprotektahan ang mental health ng bawat kabataan at mag-aaral.
Ayon kay Malapitan, hindi biro ang nararanasang pagsubok ngayon ng mga kabataan sa kanilang buhay, pamilya at pag-aaral kaya dapat lamang na naka-alalay ang city government.
“Maraming salamat sa LYDO at sa mga dumalo sa makabuluhang aktibidad na ito na nagsilbing isang malaking tulong upang alagaan ang kapakanan at pangkabuuang kalusugan ng ating mga kababayan,” ani Malapitan.
Binigyan diin din ni Malapitan na patuloy nilang ipatutupad ang ‘holistic protection’ sa mga kabataan para na rin sa kanilang paglaki at pag-unlad.
“Patuloy po nating ibibigay ang suporta at serbisyo na kinakailangan ng lahat ng Batang Kankaloo, at kasama na po diyan ang pagbibigay ng prayoridad sa mental health at sa pagsiguro na lahat sila ay lalaki bilang mga mabuti at responsableng mga mamamayan,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest