Jail officer nambulabog sa party, kalaboso
MANILA, Philippines — Arestado ang isang jail officer nang walang permisong pumasok sa isang compound na may nagaganap na party at naglabas ng baril kasabay ng pagbabanta sa mga bisita doon, sa Barangay Don Bosco, Parañaque City, kamakalawa ng madaling araw.
Nakatakdang isalang sa inquest proceedings ang suspek na si alyas “Ruben”, 36, sa reklamong Grave Threat, Trespass to Dwelling, at paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Sa ulat, dinakip ang suspek sa mabilis na pagresponde ng Parañaque City Police Station Substation 6 Don Bosco nang itawag ang insidente alas-2:40 ng madaling araw, sa residential compound in Brgy. Don Bosco.
Sa reklamong inihain ng may-ari ng bahay na si alyas “Marcial”, 38, habang nagkakasiyahan sila ng mga kaibigan sa loob ng kanilang compound ay bigla na lang sumulpot ang suspek na may hawak ng baril at pinagbantaan silang lahat.
Sa tulong ng mga bisita ay nagawa nilang madis-armahan ang suspek ng hawak na Norinco caliber.45 na may limang bala at itinawag sa kalapit na himpilan ng pulisya.
Bukod kay Marcial, naghain din ng reklamo ang mga bisita na kinilala sa alyas na “Marvin”, 40,; alyas “Rustum”, 34; alyas “Allan”, 29; at alyas “Stephen”, 40.
- Latest