Mga kalye sa Maynila isasara sa June 12
MANILA, Philippines — Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang isasara ang mga kalsada sa lungsod ng Maynila upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12.
Batay sa abiso ng MMDA, mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 10 ng umaga ng Miyerkules, sarado sa mga motorista ang Roxas Boulevard north bound at southbound lanes mula TM Kalaw hanggang P. Burgos; ang TM Kalaw – mula Ma. Orosa hanggang Roxas Blvd. westbound.
Mula ala -1 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi naman ay sarado ang Roxas Blvd. ng magkabilang panig mula UN Avenue hanggang P. Burgos Ave.; TM Kalaw –Roxas Blvd. hanggang Taft Ave.; P. Burgos Avenue at Finance Road; Bonifacio Drive – mula sa Anda Circle hanggang P. Burgos Ave.
Ang mga katabing kalsada sa loob ng Rizal Park at Quirino Grandstand ay gagamitin din para sa okasyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ng MMDA ang mga truck at iba pang motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta sa panahon ng pagsasara.
Para sa mga public utility vehicles at pribadong sasakyan patungong North, mula Roxas Blvd. ay maaaring kumanan sa Quirino Ave. kaliwa sa Taft Ave. patungo sa destinasyon.
Sa mga mga pribadong sasakyan, mula sa R-10 papuntang Anda Circle, maaaring kumaliwa sa Soriano Ave, kanan sa Solana St., kaliwa sa Muralla St. diretso sa Magallanes Drive, kanan sa P. Burgos Ave. patungo sa destinasyon.
Para sa mga truck na patungong north at south, dumaan sa SLEX, Osmeña Highway, Quirino Ave., Nagtahan St., Lacson Ave., Yuseco St., Capulong St., R-10 Road, patungong destinasyon.
Ang aktuwal na pagsasara at pagbubukas ng mga apektadong kalsada ay ibabatay sa aktuwal na sitwasyon ng trapiko.
Samantala, sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na may kabuuang 1,156 na tauhan ang ipapakalat sa mga strategic location upang matiyak ang maayos na pamamahala sa trapiko, kaligtasan at kaginhawahan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
May nakaantabay ding mga ambulansya, trak ng militar, dump truck, tow trucks at iba pang resources sa lugar
Naka-line up ang mala-festival na pagdiriwang mula Hunyo 10 hanggang 12, na gaganapin sa Rizal Park Burnham Green sa tapat mismo ng Quirino Grandstand.
- Latest