^

Metro

Pagbabalik ng Traslacion, dinagsa ng mga deboto

Danilo Garcia, Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon
Pagbabalik ng Traslacion, dinagsa ng mga deboto
Isang lalaki ang inilabas sa kumpol ng mga deboto makaraang himatayin dahil sa matinding init at pagsisiksikan. Habang makikita rin ang ilang deboto na hindi napigilang sumampa sa Andas kahit na ipinagbawal ito.
Walter Bollozos at Edd Gumban

MANILA, Philippines — Muling dinagsa ng mga sabik na deboto at mananampalatayang Katoliko ang Traslacion 2024 na nagbabalik makaraan  ang tatlong taong pagkakasuspinde dahil sa pandemya sa COVID-19.

Alas-4:45 ng madaling araw opisyal na nag-umpisa ang prusisyon mula sa Quirino Grandstand kung saan nagkaroon pa ng kalituhan nang sinasabing naglagay ng “decoy” ng Nazareno bilang panlansi upang hindi agad dumugin ang Andas.

Naging maayos naman ang daloy ng Nazareno sa itinakdang mga ruta ngunit bahagyang bumagal bago sumapit sa Arlegui Street dakong ala-1 ng hapon nang maputol ang isa sa dalawang lubid ng Andas.

Nagpatuloy ang prusisyon hanggang sa makarating sa may Plaza del Carmen sa tapat ng San Sebastian Church dakong alas-2:57 ng hapon.  Dito isinagawa ang tradisyunal na “Du­ngaw” kung saan nagtagpo ang Itim na Nazareno at ang kaniyang ina na si Nuestra Señora Del Carmen.

Marami sa mga deboto ang hindi nakasunod sa naunang mga panawagan ng Phi­lippine National Police (PNP) at Pamahalaang Lungsod ng Maynila, tulad ng pagsusuot ng facemask habang ma­rami rin ang patuloy na umakyat sa Andas kahit na napapalibutan na ito ng salaming kahon.

Marami rin sa mga deboto ang nagdala pa rin ng mga maliliit na mga anak at nagpapahid o humahalik sa mga imahe sa kabila ng panawagan na iwasan ito para makaiwas sa mga nakahahawang sakit partikular ang COVID-19 na nananatili pa rin sa bansa.

Dakong alas-6 ng gabi, umabot na sa 643 pasyente ang napagsilbihan ng Philippine Red Cross kung saan anim ang “major cases” kabilang ang isang nagtamo ng pinsala sa ulo, pananakit ng dibdib, napilayan, habang isang buntis ang isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng tiyan at isang pasyente na nagtamo ng 2nd degree burn.

Alas-7 ng gabi nang umabot na ang Andas ng Itim na Nazareno sa Quinta Market sa Quiapo na mahigit 200 metro lamang ang layo sa simbahan ng Quiapo.  Inaasahan na makakapasok ang Itim na Nazareno sa kaniyang tahanan ng alas-8 ng gabi.

Generally peaceful naman umano ang naganap na Traslacion, ayon sa PNP.

Umabot sa 18,000 pulis ang ipinakalat ng PNP sa iba’t ibang lugar upang matiyak ang seguridad ng mga deboto at ruta ng Nazareno.

Kasabay nito, wala namang naitalang malalang krimen sa paggunita ng  Black Nazarene.

Samantala, sinabi naman ng pamunuan ng Quiapo church na na­ging mabilis ngayon ang pagbalik ng Nazareno sa Simbahan ng Quiapo kumpara sa mga nakalipas na pagsasagawa ng Traslacion.

vuukle comment

COVID-19

NAZARENO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with