PNP tutulong sa Philhealth vs cyber attack
MANILA, Philippines — Handa ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa kanilang imbestigasyon sa nangyaring cyber attack.
Ito ang tiniyak ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, makaraang makaranas ng pag-atake ng isang ransomware na may pangalang MEDUSA ang PhilHealth nitong weekend .
Nabatid na hinihingan din ang tanggapan ng humigit-kumulang sa P17 milyon kapalit ang nakuhang datos. Ani Fajardo, pangho-hostage ang ginawa ng nasa likod ng cybercrime attack.
Nabatid na hawak umano ng naturang malware ang mahahalagang impormasyon ng PhilHealth mula sa member data, issuances at memo ng state insurer.
Samantala, posible umanong hanggang ngayong Miyerkules, Setyembre 27, ay maibalik na sa normal ang operasyon ng sistema ng PhilHealth.
Ayon kay Israel Pargas, ang Finance Policy Sector Senior Vice President ng PhilHealth, na tuloy naman ang manu-manong operasyon nila, matapos ang naganap na hacking incident.
Siniguro rin niya na ginagawa nila ang lahat upang kaagad na maibalik sa normal ang kanilang operasyon.
Matapos ang cyber attack, kabilang sa mga naapektuhan nito ay ang kanilang website, 72 work stations, e-claim system, member portals at collection system.
- Latest