59 pulis-Makati, lilipat din sa superbisyon ng Taguig
MANILA, Philippines — Bukod sa mga barangay at mga paaralan, ililipat na rin sa superbisyon ng Taguig City ang nasa 59 pulis-Makati na nakatalaga sa mga barangay na sakop ng desisyon ng Supreme Court ukol sa hurisdiksyon.
Kinumpirma ni Southern Police District Director, PBGen Roderick Mariano ang paglilipat ng hurisdiksyon patungo sa Taguig City Police Station ng mga pulis na nakatalaga sa Makati Police substations 8 at 9.
Dalawang barangay din na nasa ilalim ng substation 7 ang malilipat naman sa substation 8.
“Nag-convene na ‘yung SPD transition committee... We already inventoried the PNP properties na nandoon sa Makati na maaapektuhan na substation 8 at substation 9,” ayon pa kay Mariano.
Para maiwasan naman ang pagtatalo ukol sa mga gamit na bigay ng lokal na pamahalaan ng Makati, ibabalik umano ang mga ito sa Makati at magbibigay na lamang ang SPD at National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng mga kagamitan sakaling kulangin ang mga pulis.
Sa kabila nito, tiniyak ni Mariano na hindi maaapektuhan ang serbisyo at pagbibigay seguridad ng mga pulis lalo na ngayong darating na pasukan at sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa ngayon, naghihintay na lamang ang SPD sa kautusan para sa maayos na turnover.
- Latest