Superintendent ng Bilibid, nag-resign
MANILA, Philippines — Nagbitiw na sa kaniyang puwesto ang superintendent ng New Bilibid Prisons (NBP) dahil umano sa mga pagsasangkot sa kaniya sa mga kontrobersya sa piitan.
Inihain ni NBP Superintendent Angelina Bautista ang kaniyang “irrevocable resignation” nitong Agosto 11 dahil sa hindi na umano siya kumportable na magtrabaho dito dulot ng mga ibinabato sa kaniyang akusasyon.
“My resignation does not mean that I am admitting there [are] malicious and unfounded issues incriminating my untainted years of public service,” saad ng liham ni Bautista.
Nais lamang umano niya at ng kaniyang pamilya ng katiwasayan, maging sa buong Bureau of Corrections (BuCor). Nais umano niyang umalis ng walang bahid, may dignidad, at hindi natangay ng korapsyon.
Pinasalamatan naman niya si BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., sa pagtanggap sa kaniyang pagbibitiw.
Ang pagbibitiw ni Bautista ay makaraan na una siyang i-relieve sa kaniyang puwesto habang nakabinbin ang imbestigasyon sa ilang isyu na inilabas ng House Committee on Public Order and Safety sa isang pagdinig.
Kabilang sa mga isyu ang pagkawala ng inmate na si Michael Cataroja, isang convicted carnapper at ugnayan niya sa construction business sa loob ng NBP at catering business.
Itinanggi naman ni Bautista ang mga akusasyon ng mga mambabatas.
Sinabi naman ni Catapang na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa kabila ng pagbibitiw ng opisyal.
- Latest