8 arestado sa pinaigting na drug ops ng EPD
MANILA, Philippines — Kalahating milyong halaga ng droga ang nakumpiska ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot na nagresulta ng pagkakadakip sa walo katao sa isinagawang drug operation, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni EPD Director, PBGen. Wilson Asueta ang unang nadakip na suspek na si Dediosalyn Lingatong Mingming, alyas Lyn, 36, residente ng San Miguel, Pasig City na sinasabing kabilang sa high value target sa lugar.
Nadakip ang suspek dakong alas 11:00 ng gabi sa isinagawang buy-bust operation at nabawi mula sa kanya ang 3 selyadong pakete na naglalaman ng puting kristal na pulbos na hinihinalang shabu na tinatayang 50 gramo at nagkakahalaga ng Php. 343,400.00.
Dakong alas-11:50 ng gabi ng naaresto ang lima pang suspek sa sa Brgy. San Miguel, Pasig City at nakumpiskahan ng 7 piraso ng selyadong pakete na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 14.84 gramo at nagkakahalaga ng Php100,912.00.
Kinilala ang lima na sina Leo Gatmaitan alyas “Brent”, 49, Vhon Irene Teodista Mulano, 32; Renalyn Lorenzo Cabrera, 34; Carl Ryan Hernandez Jabson, 25, katulong ng mekaniko, at Camille Jhelian Valencia, 24 na pawang residente ng Pasig City.
Sa iba pang operasyon ay dalawa pang sinasabing ‘tulak ‘ng droga ang nadakip na kinilalang sina Samuel Marquita Villandares akyas “Ambo”, isang construction worker at si Jonathan Canon Fajardo, 43, na isang delivery helper sa Brgy. Manggahan, Pasig City.
Nasa 15.63 gramo naman na hinihinalang droga ang nabawi sa kanila na nagkakahalaga ng Php 106,284.00.
Tinitiyak naman ng EPD na mas paiigtingin pa nila ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga. - Jessica Dejarlo/Gillian Paul Abayon
- Latest