Bentahan online ng lechon, mas lumakas
MANILA, Philippines — Mas dumami ang bumibili ng lechon sa La Loma, Quezon City sa pamamagitan ng online kumpara sa mga kostumer na personal na nagpupunta sa mga tindahan sa naturang lugar.
Sinabi ni Ramon Ferreros, Presidente ng La Loma Lechoneros Association na sa 100 order ng lechon o may 70 percent ay bumibili gamit ang online at may 30 percent lamang ng mga customers ang nagpupunta ng tindahan para bumili.
Umaasa naman si Ferreros na ngayong holiday season ay makabenta sila ng lechon ng may 300 piraso kada araw.
“Lumakas ang online because of the pandemic, na-discover natin ‘yung social media ‘yung online market,”sabi ni Ferreros.
Tiniyak naman ni Ferreros sa publiko na may kalidad ang gawa nilang lechon dahil sa pagtupad nila sa health at safety standards na itinakda ng lokal na pamahalaan ng QC.
Anya may pagtaas ang halaga ng lechon ngayong holiday season dahil sa tumaas na halaga ng farmgate at tumaas na sahod ng mga empleyado.
Ang lechon na may timbang na 6 hanggang 7 kilo ay mabibili ng P9,000 mula sa dating halaga na P7,500 at ang lechon na may timbang na mahigit sa 20 kilo ay mabibili sa hanggang P17,500.
- Latest