10 hanggang 12 oras na water interruptions sa ilang bahagi ng Metro Manila
MANILA, Philippines — Aabutin ng mula 10 hanggang 12 oras na mawawalan ng suplay ng tubig sa Metro Manila na nagsimula Oktubre 12 ng gabi hanggang Oktubre 17 ng alas-4 ng madaling araw dahil sa pagbaba ng water level sa Ipo Dam.
Ito ayon kay Corporate Communications head Jennifer Rufo ng Maynilad ay dahil sa mga nagdaang araw ay wala nang nagaganap na pag- ulan sa watershed na pumapalibot sa Ipo Dam.
“Importante po kasi na mataas ang water elevation sa Ipo Dam para sapat po ‘yung raw water na bumababa mula sa dam na ‘yan papunta sa ating mga planta sa Quezon City. Dahil mababa po yung elevation niya sa ngayon, ‘yung raw water supply po na nakakarating satin ay kapos na po siya,” paliwanag ni Rufo.
Sinabi ni Rufo na ginagawa ng Maynilad ang lahat para madagdagan ang suplay ng tubig sa kanlurang bahagi ng Metro Manila.
“Actually nitong Lunes po dahil nakita po natin na bumaba pa ‘yung elevation sa Ipo Dam, humingi po muna tayo ng tulong sa ating kapitbahay na concessionnaire, na makadagdag sa cost order ng supply. Nakapagbigay naman po sila, pero kapos pa rin po kami ng around 50 million liters per day,” dagdag ni Rufo.
Sinabi ni Rufo na lumapit na rin ang Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System na siya namang humiling sa National Water Resources Board (NWRD) ng dagdag na release mula sa Angat Dam para madagdagan ang tubig sa Ipo dam.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Rufo ang publiko na maging responsable at magtipid sa paggamit ng tubig.
Ayon sa Maynilad bukod sa Metro Manila, apektado rin ng service interruption ang ilang bahagi ng Cavite hanggang Oktubre 16 dahil sa pagbaba ng water level sa Ipo dam.
- Latest