Russian ambassador nangakong gagawing ‘smart city’ ang Maynila
MANILA, Philippines — Nangako ang Russian ambassador sa Pilipinas na tutulong sa pagbabago ng siyudad ng Maynila bilang isang ‘smart city’ sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ng kanilang bansa.
Sa pagbisita ni Ambassador of the Russian Federation to the Philippines His Excellency Marat Ignatyevich Pavlov kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, pinag-usapan ng dalawa ang iba’t ibang pagtutulungan para mapataas ang serbisyong ibinibigay ng lokal na pamahalaan.
Kabilang dito ang pagbabago ng Maynila bilang isang ‘smart city’, tulad ng pagpapalakas ng teknolohiya sa ‘traffic management’ ng siyudad, mas mataas na kalidad ng ‘healthcare’ sa pamamagitan ng ‘telemedicine,’ at pagtatayo ng iba’t ibang imprastraktura.
Pinag-usapan rin ng dalawa ang isang malaking event na gaganapin sa Moscow at Maynila na may kaugnayan sa medisina, bilang bahagi ng pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang siyudad.
Sinamantala naman ni Lacuna ang pagkakataon para pasalamatan ang Russia sa tulong nito nang gawin ang Maynila bilang isa sa benepisyaryo ng Sputnik V COVID-19 vaccines.
Samantala, bumisita rin kay Lacuna si Ambassador of Vietnam His Excellency Hoang Huy Chung na nagpasalamat naman sa pagtatayo ng isang ‘bust’ ng dating Pangulo ng Vietnam at itinuturing na Father of Vietnamese Independence na si Ho Chi Minh sa Intramuros.
- Latest