LRMC: Operasyon ng LRT-1, suspendido sa tatlong araw ng Linggo
MANILA, Philippines — Suspendido sa loob ng tatlong araw ng Linggo ang operasyon o biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Ito’y upang bigyang-daan ang nakatakdang pag-upgrade nila sa bagong signalling system, gayundin ang tests at trial runs nito.
Batay sa inilabas na paabiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) noong Lunes, nabatid na hindi muna bibiyahe ang kanilang mga tren sa Nobyembre 28, 2021, Enero 23, 2022 at Enero 30, 2022, na pawang natapat sa araw ng Linggo.
“LRMC is announcing a temporary suspension of LRT-1 operations on the following dates to complete the necessary works for the upgrade of its existing signalling system,” bahagi pa ng advisory ng LRMC, na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1.
Nabatid na ang railway signaling systems o ang ‘traffic light system’ para sa railway ay ginagamit para idirekta ang railway traffic at mapanatiling maayos at ligtas ang operasyon at biyahe ng mga tren.
Ayon sa LRMC, ang pag-upgrade nito sa bagong “Alstom signaling system” ay kinakailangan upang ma-accommodate ang commercial use ng bagong 4th Generation trains ng LRT-1 na target nang masimulan sa kalagitnaan ng taong 2022.
- Latest