4 Customs officials kakasuhan sa basura ng Canada
MANILA, Philippines — Apat na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang inirekomendang kasuhan ng Department of Justice (DOJ) dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang pagpasok sa bansa ng tone-toneladang basura buhat sa Canada noong 2013 at 2014.
Kabilang sa mga inutusang kasuhan sina Customs examiner Benjamin Perez Jr. at Eufracio Ednaco at sina Customs appraisers Matilda Bacongan at Jose Saromo. Nakakita ang mga prosecutor na may matibay na basehan para sampahan sila ng kasong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.
Ayon sa DOJ, alam o dapat ay alam ng mga opisyal na ‘hazardous materials’ at hindi mga plastic scrap materials ang laman ng shipment makaraang aminin na nagsagawa naman sila ng ‘physical examination’ dito.
“When they rerouted these shipments to ‘green’ [low risk], they effectively facilitated the importation of hazardous waste into the Philippines,” ayon pa sa DOJ resolution.
Ibinasura naman ng DOJ ang parehong reklamo laban kay Environmental Management Bureau director Juan Miguel Cuna at tatlo pang empleyado dahil sa ‘lack of probable cause’. Ligtas din sa asunto ang walo pang respondents dahil sa kakulangan sa ebidensya.
Unang nagkasa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at nagreklamo laban sa mga akusado noong Enero 2020. Matatandaan na pinabalik na rin ng pamahalaan ang naturang mga basura sa Canada base sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest