Pagbiyahe ng provincial buses sa Metro Manila, pinag-aaralan ng IATF
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad na payagan nang muling makabiyahe ang mga provincial buses sa Metro Manila.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, sa ngayon ay wala pang desisyon hinggil dito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) lalo na at lumalabas sa mga pag-aaral na sa iba’t ibang bansa ay ang mga pampublikong transportasyon ang isa sa pinakamabilis na paraan upang kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pinayuhan pa niya ang publiko na antabayanan na lamang muna kung kailan maglalabas ng desisyon hinggil dito ang IATF.
Matatandaang nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay nagpasya ang pamahalaan na pansamantalang ipatigil ang operasyon ng mass public transportation upang mapigilan ang pagkalat ng virus, kabilang dito ang mga provincial bus operations.
Nang maisailalim naman ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) ay sinimulan na rin ng pamahalaan na unti-unting payagang makapag-operate ang mga mass public transportation, ngunit sa limitadong kapasidad lamang.
Sa ngayon, kabilang sa mga pampublikong transportasyon na pinayapagan nang bumiyahe sa Metro Manila ay ang mga tren, jeepneys, taxis, transport network vehicle services, UV express units, tricycles, shuttle services, point-to-point buses, at augmentation buses.
- Latest