Doktor hinostage ng pasyente
MANILA, Philippines — Hinostage at tinutukan ng heringgilya sa leeg ng isang pasyenteng guwardiya ang isang doktor sa loob ng emergency room ng East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City kahapon ng umaga, matapos umanong hindi siya kaagad na mabigyan ng atensiyong medikal.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, B/Gen. Ronnie Montejo, kaagad namang naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang suspek na si Hilarion Achondo, 51, security officer, at residente ng Project 8, Quezon City.
Batay sa inisyal na ulat, dinala ang suspek sa emergency room ng EAMC upang magamot matapos na masugatan sa isang aksidente sa motorsiklo.
Gayunman, pagsapit ng alas-5:50 ng madaling araw ay bigla na lang dumampot ng heringgilya ang suspek at saka kinaladkad at hinostage si Dr. Russel Carangdang, 29, na noon ay abala sa panggagamot sa mga pasyente.
Lumikha ng komosyon at kaguluhan sa loob ng emergency room ang ginawa ng suspek.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagkataong nasa loob ng pagamutan at nag-iimbestiga ng isang insidente ng pananaksak.
Nakipag-negosasyon ang mga pulis sa suspek, na wala naman umanong hinihinging anumang demand, at matapos lamang ang maikling negosasyon ay napakalma at nagpahinuhod na rin nila ang suspek na itapon ang hawak na heringgilya at pakawalan ang doktor.
“Sabi sa akin barilin ko na lang daw siya, sabi ko naman hindi kami magkalaban at kakampi mo kami,” ayon kay S/Sgt. Bienvenido Ribaya III.
Kaagad na dinala sa CIDU sa Camp Karingal ang suspek at ikinulong para sa pagsasampa ng mga kasong grave coercion, alarm and scandal at grave threat laban sa kanya.
Una naman nang napaulat na tila ikinairita ng suspek na hindi agad siya nalapatan ng lunas ng mga doktor dahil na rin sa rami ng mga pasyenteng nasa emergency room ng mga oras na iyon.
- Latest