22 senior citizens sa Maynila, nagpasaklolo kay Yorme
MANILA, Philippines — Nasa 22 senior citizen ng isang barangay sa Maynila ang nagparating ng kanilang hinaing kay Mayor Isko Moreno makaraang hindi umano makarating sa kanila ang mga ayuda.
Sa ipinadalang liham ng mga senior citizen ng Brgy. 420, Zone 43, Sampaloc District 4 sa alkalde, hindi umano sila nabigyan ng gatas na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan maging ang P1,500 nilang pensyon.
Ilang beses na umano nilang tinanong sa kanilang barangay ang tungkol sa naturang mga ayuda ngunit na paulit-ulit umano silang sinasabihan ng kanilang mga opisyal na maghintay.
Dito sila nagpasya na dumiretso na sa tanggapan ng alkalde para malaman kung mayroon pa talaga silang hihintayin.
Hinihinala nila na pinopolitika umano sila na taliwas sa direktiba ni Moreno na huwag unahin ang gusot sa politika sa barangay at ipamahagi ang lahat ng ayuda lalo na sa mga senior citizen.
Una nang pinaimbestigahan ng alkalde ang limang barangay captain sa Maynila habang pinadalhan ng show cause order ang nasa 46 pang opisyal matapos nang napakaraming reklamo na ipinaabot sa kanyang tanggapan ng mga residente sa kanilang nasasakupan.
- Latest