9 na Russian, Kazakh national na nagtratrabaho sa Malate bar arestado
MANILA, Philippines — Huli ang sampung dayuhan sa isang bar sa Malate, Maynila Miyerkules ng gabi matapos mapag-alamang nagtratrabaho sila nang walang kaukulang papeles.
Siyam sa mga nahuling "entertainers" ay mga Russian habang isa naman sa kanila ang nagmula sa Kazakhstan.
Nangyari ito matapos i-raid ng Manila Police District — Special Mayor's Reaction Team ang Sha-Sha Club sa San Andres cor. Adriatico bago mag-alas-diyes ng gabi.
Ayon sa hepe ng Manila Police District na si Brigadier Gen. Vicente Danao Jr., nilambat ang mga nabanggit matapos madiskubreng wala silang working visa.
Haharap sa kasong paglabag sa Article H, Section 98 at Article E, Section 138 kaugnay ng 2013 Omnibus Revenue Code of the City of Manila ang mga banyaga, sabi ni Danao.
Bigo rin daw na makapagpakita ng mga permit ang establisyamento na hinihingi ng revenue code ng Maynila.
"Iniutos ko na sa BPLO [Business Permit and Licensing Office] na maghain ng kinakailangang kaso. Inirerekomenda ko na rin ang agad na pagpapasara ng Sha-Sha Bar," sabi ni Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso.
Ayon kay Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, ihahain ang closure order laban sa bar alas-kwatro ng hapon, Huwebes.
Samantala, pinag-aaralan pa kung may maihahabla kaugnay ng Republic Act 9208.
"Ongoing pa po investigation regarding possible human trafficking," ani Leonen.
- Latest