Malacañang kinilala ang Malabon City sa kampanya vs illegal drugs
MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) at ng Dangerous Drugs Board (DDB), dalawang beses kinilala ng Office of the President ang pamahalaang lungsod ng Malabon para sa mga gawain at pangunguna nito sa malawakang kampanya ni Pangulong Duterte kontra iligal na droga.
Noong Disyembre 3, 2018, pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagkilala ng ICAD sa Malabon City Government, habang kinilala naman ng DDB ang Malabon Anti-Drug Abuse Council (MADAC) noong Enero 29, 2019 para sa matagumpay nitong pagsasagawa ng Drug Abuse Prevention Program for Transport Groups.
Nitong 2018 lamang, tatlong beses ding ginawaran ng regional at national na mga tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Malabon City para sa pagkamit ng Silver Award o second place sa 2017 Functionality Audit ng buong Metro Manila, sa pagkamit ng score na 95/99 o “IDEAL” sa 2017 Performance Audit ng National Anti-Drug Abuse Council (ADAC), at sa pagbabahagi nito ng mga kaalaman at karanasan sa iba’t ibang sektor batay sa unti-unting tagumpay na nakakamit ng Malabon kontra ilegal na droga.
- Latest