4 kawatan bulagta sa shootout
MANILA, Philippines — Apat na pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng elementong kriminal ang napaslang matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa magkakahiwalay na shootout sa Quezon City, kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Quezon City Police Director Chief Joselito Esquivel Jr., patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na suspek, dalawa rito ay ‘Akyat Bahay’ at dalawa naman ang riding in tandem na sangkot sa pangangarnap ng motorsiklo.
Ayon kay Esquivel, naganap ang unang engkuwentro sa pagitan ng riding in tandem na mga karnaper at ng mga operatiba ng QCPD sa kahabaan ng General Luis Street, Brgy Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City dakong alas -10:45 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, sinabi ni Senior Supt. Rossel Cejas, Chief ng Novaliches Police Station (PS) 4 na inireport ng biktimang si Ivan Jan Liberato na puwersahang tinangay ng riding in tandem na mga armadong suspek ang kaniyang motorsiklo matapos siyang tutukan ng baril sa harapan ng isang gasoline station sa lugar dakong alas-4 ng hapon.
Sa isinagawang follow-up operation ang mga elemento ng PS 4 ay naispatan ang mga suspek na nag-u-turn sa isang kalye matapos na makita ang mga pulis na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’.
Agad namang hinabol ito ng pulisya kung saan bumunot ang mga suspek ng baril at pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa shootout na siya ng mga itong ikinasawi.
Sa isa pang engkuwentro, dakong alas-2 naman ng madaling araw nang makasagupa ng Batasan Police (PS) 6 operatives ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng ‘Akyat Bahay gang’ sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Nagresponde ang mga operatiba matapos na tumawag sa telepono ang security guard ng Spring Country Subdivision na inireport ang dalawang lalaki na nakita niyang pumasok sa isang bahay sa Joyful Street, Sitio Veterans, Brgy. Bagong Silangan ng lungsod.
Gayunman sa halip na sumuko ay nagpaputok ang mga suspek nang makita ang presensya ng mga nagrespondeng pulis na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng mga suspect.
- Latest