11 bahay sa Caloocan, sinunog ng 4 na maskarado
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ngayon ng Caloocan City Police ang ulat na sinadyang sunugin ng nasa apat katao na nakasuot ng bonnet ang ilang kabahayan dahilan para mawalan ng tahanan ang nasa 33 pamilya, kahapon ng madaling araw sa naturang lungsod.
Sa ulat ng Station Investigation and Detective Management Branch, alas-12:45 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa Dela Cruz Compound sa may Leo Street, Pangarap Village, Brgy. 181.
Nabatid na tuluyang kumalat ang apoy sa 11 pang karatig bahay.
Ala-1:06 na ng madaling araw nang makarating ang mga bumbero na buhat pa sa Caloocan Fire Station headquarters. Dakong alas-2:51 na ng madaling araw nang tuluyang maapula ang sunog.
Wala namang nasawi o nasaktan sa insidente habang nasa P500,000 ang tinatayang pinsala sa sunog.
Sa imbestigasyon ng Police Community Precinct 4, sinabi ng ilang residente na sinadya umanong sunugin ang kanilang lugar ng apat na lalaking nakasuot ng bonnet masks. Nakita ang posibilidad nito nang matagpuan ng mga pulis sa lugar ang iba’t ibang mga damit na ibinabad sa gas habang dalawa sa mga ito ang naging ugat ng sunog.
Nabatid na bahagi ang lugar sa lupain na may kaso sa korte na inaangkin ng isang malaking kompanya.
- Latest