‘Tulak’ dedo sa shootout: P2-M shabu nasamsam
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng Quezon City Police Station (PS) 7 matapos mapatay sa shootout ang isang notoryus na drug pusher habang mahigit naman sa P2 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang follow-up operation sa Taguig City kamakalawa.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang napatay na drug pusher na si Alex Abdul, alyas Manila Boy ng Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City.
Arestado naman ang lima pa nitong kasamahan na sina Jenny Lynne Poja, 31; Maria Cristina Barrera, 28; Romeo Santizas, 41; Marissa Cilamor, 30 at Mark Padilla, 20; pawang ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Esquivel, ang operasyon ay follow-up sa naunang anti-drug operation ng PS 7 sa Brgy. San Roque, Cubao noong Pebrero 28, 2019 na nagresulta sa pagkakakaaresto sa dalawang drug suspects kabilang ang No. 3 drug personality ng PS 7. Nakumpiska sa mga ito ang 20 sachet ng shabu.
Nabatid na ikinanta naman ng mga suspect ang grupo ni Abdul sa Taguig City kaya nagsagawa ng follow-up at buy-bust operation ang mga operatiba.
Nakatunog ang suspect na si Abdul na agad nagpaputok sa mga operatiba na nauwi sa shootout na siya nitong ikinasawi habang arestado naman ang limang iba pa na nasa loob ng bahay nito nang isagawa ang operasyon.
- Latest