Zamora vs Estrada sa San Juan
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng paniniwala si dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora na matutuldukan na ang halos 50-taong pamumuno ng mga Estrada sa kanilang lungsod.
Sinabi ni Zamora na matagal nang ipinakita ng mga residente ng San Juan na nais na nila ng pagbabago matapos na lumagda at pumabor sa kanyang inihaing recall protest laban kay incumbent Mayor Guia Gomez noong nakalipas na halalan.
Sinabi ni Zamora, na naniniwala naman siya na sa gaganaping halalan sa susunod na taon ay makikita na ang tunay na kagustuhan ng mga mamamayan, na magkaroon ng pagbabago.
Si Zamora ay naghain ng kandidatura dakong alas-10:00 ng umaga kahapon sa ilalim ng PDP-Laban kasama ang kanyang amang si Cong. Ronaldo Zamora, na tatakbo sa kanyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng San Juan, gayundin ang kanyang bise alkade na si Warren Villa, at kanilang mga konsehal.
Makakalaban ni Zamora sa eleksyon si incumbent San Juan Vice Mayor Janella Estrada, na apo ng dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada na tumatakbo namang muli bilang Alkalde ng Maynila.
Makaka-tandem ni Estrada si dating PSC Chairman at dati na ring naging Vice Mayor Leonardo Celles, at magiging congressman naman nila ang beteranong actor na si Edu Manzano.
- Latest