Libreng lab test sa mahihirap, aprub sa QC
MANILA, Philippines — May libreng clinical laboratory services na sa mga barangay health centers para sa mahihirap na taga-Quezon City.
Ito ay makaraang aprubahan ng QC Council sa pangunguna ni Vice Mayor Joy Belmonte sa City Ordinance No. SP-2686, S-2018 o ang “Quezon City Clinical Laboratory Ordinance” na iniakda nina Councilors Julienne Alyson Rae Medalla at Diorella Maria Sotto na layong tugunan ng libre at de-kalidad na serbisyong medikal ng mga mahihirap na taga-lungsod.
“Clinical laboratory services in private clinics and hospitals are usually expensive,so we thought of putting up our own laboratories in our public health centers for our indigents.” pahayag ni Belmonte.
Anya , mahalaga ang mga laboratory tests tulad ng urinalysis, Hematology at Complete Blood Count (CBC) sa pagsusuri ng mga sintomas ng sakit at bahagi rin ng pre-employment medical examination ng mga nag-a-apply ng trabaho at malaking tulong upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga taga-QC.
Inootorisahan ng napagtibay na ordinansa ang lokal na pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo para makapagtayo ng mga clinical laboratories sa mga health centers sa lunsod.
Sa ilalim ng QC Health Department (QCHD), ang bawat barangay laboratory ay pangangasiwaan ng isang chief medical technologist habang ang technical operations ay pangungunahan ng isang clinical pathologist.
Libre dito ang mga mahihirap na sertipikado ng Social Services and Development Department (SSWD) ng City Hall, pati na rin ang mga opisyal ng barangay at kanilang mga kawani, mga Day Care Center teachers, at community health workers.
Ang mga guro at iba pang kawani ng Department of Education-Schools Division Office Quezon City ay libre din sa mga laboratory services.
May 30 percent discount naman sa mga laboratory package services ang mga rehistradong senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs), at 20 percent para sa mga permanenteng City Hall employees at kanilang dependents.
- Latest