Nagpanggap na mga pinoy at may hawak na Phil. passports 177 Indonesian nationals pinigil sa airport
MANILA, Philippines - Nabuko at pinigil kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang may 177 Indonesian nationals na nagpanggap na mga Filipino at may hawak na Philippine passports bago pa man sila makaalis patungong Madinah, Saudi Arabia.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, na bago ito, orihinal na minamanmanan ng kanilang intelligence division ang dalawang Pinoy na sinasabing umaaktong escorts sa grupo ng mga Indonesian na nakatakdang lumipad ng Aug. 18 at Aug 19.
Labis silang nabigla nang matuklasan ang modus operandi ay mas malawak pala kung saan limang Pinoy ang nadiskubreng nag-e-escort sa may 177 Indonesians.
Nakatakda na sanang lumipad sakay ng PAL flight PR 8969 patungong Madinah, Saudi Arabia ang mga dayuhan at escort na mga Pinoy dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang matiktikan ang mga ito sa kanilang modus.
Lumilitaw na nagbayad umano ng $6,000-$10,000 ang bawat isa upang ma-ka-travel.
Nadiskubre na nabuko ang mga ito dahil hindi umano makapagsalita ng Tagalog, Maranao, Cebuano o Maguindanao nang interbiyuhin ng mga tauhan ng BI. Tanging salitang English lamang ang alam ng mga ito.
Hindi muna ibinunyag ni Morente ang mga pa-ngalan ng Indonesians gayundin ang mga kasabwat na Filipino dahil iniimbes-tigahan pa ang mga ito.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binigyan ng Philippine passports ang mga Indonesians upang makasama sa quota ng Filipino pilgrims na sasama sa Hajj pilgrimage ng Saudi government. Wala na umanong Hajj slots para sa Indonesians.
Pumasok sa bansa isa-isa nitong mga nakaraang linggo ang mga Indonesian bilang tourist sa pag-aasikaso ng mga Filipino escorts.
- Latest