Ilan pang tatakbo sa Metro, nagharap na rin ng COC
MANILA, Philippines – Nagharap na rin kahapon ng kanyang certificate of candidacy si Manila Mayor Joseph “Erap’ Estrada para sa kanyang muling pagtakbo bilang alkalde sa lungsod.
Ayon kay Estrada, nasa kamay na ng Manilenyo kung sino ang kanilang iboboto dahil naniniwala siya na walang mali sa kanyang pamamalakad at sa halip ay isinalba niya ang Maynila mula sa pagkakalubog nito sa utang.
Kasama ang kanyang mga taga suporta naglakad din si Estrada mula sa Bonifacio monument patungo sa Comelec suot ang kanyang orange jacket na kulay ng kanyang partido na Puwersa ng Masang Pilipino(PMP).
Samantala, sinabi pa ni Estrada na bukas pa rin siya sa tambalang “Erap-Bongbong” para ipantapat sa darating na Presidential elections sa Mayo 16.
Sa Las Piñas, naghain na rin ng COC ang mga kandidato ng Nationalista Party (NP) sa lokal na posisyon sa lungsod.
Ito ay pinangunahan ng tatakbong alkalde na si Imelda “Mel” Aguilar, misis ng incumbent Mayor na si Vergel “Nene” Aguilar.
Ang magiging bise alkalde nito ay si Las Pinas City incumbent Vice Mayor Luis Bustamante .
Sa Malabon City, nagsumite kahapon ng kanyang kandidatura si incumbent Congresswoman Josephine Veronique Lacson-Noel bilang alkalde.
Sa kanyang paha-yag, may isa pang termino siya bilang kinatawan sa Kongreso ng lungsod ngunit nagdesisyon siyang tumakbo na sa pagka-alkalde dahil sa kakapusan umano sa serbisyo na natatanggap ng mga residente ng lungsod lalo na ng mga ina na hirap na hirap magpaaral sa kanilang mga anak.
Iginiit nito na ang pamahalaang lungsod ay para sa lahat ng residente at hindi para lamang sa iilang piling pamilya.
- Latest