Sahod ng 8,000 empleyado ng Makati apektado
MANILA, Philippines – Sa agawan ng pwesto sa pagkaalkalde sa lungsod ng Makati nina Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay at acting Mayor Romulo "Kid" Peña ay ang mga empleyado ang apektado.
Sinabi ni Peña na sahod ng 8,000 ng empleyado ang maiipit dahil sa suspensyon ng city treasurer.
"Nung 15 naka-sweldo na po sila so ito pong katapusan nakakalungkot dahil mag-ho-Holy Week pa, eto po parang medyo nagkakaroon kami ng problema dito," wika ni Peña sa kanyang panayam sa ABS-CBN News Channel.
Dagdag niya na naidulog na niya ang problema sa Department of Finance.
"Sila po ang maglalagay ng aming city treasurer and definitely I am assuring everyone na 'yung city treasurer na ibibigay ng Department of FInance will be under me.”
Aniya dapat nila itong pag-usapan ni Binay dahil kapwa naman nilang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga tauhan ng city hall.
“Pareho lang namin gusto makasweldo and mga mahal naming empleyado, dapat nagkikita po kami," patuloy pa ng acting mayor.
Hindi sinunod ni Binay ang preventive suspension order ng Ombudsman na magbibigay daan sana sa imbestigasyon sa umano'y overpriced na Makati City hall 2.
Nakakuha si Binay ng temporary restraining order sa Court of Appeals na siyang ginagamit niya ngayon upang igiit na hindi siya dapat bumaba sa pwesto.
Kahapon ay nagsagawa ng magkahiwalay na flag ceremony sina Binay at Pena sa bago at lumang city hall.
- Latest