Brgy. chairman, itinumba ng tandem
MANILA, Philippines – Patay ang isang barangay chairman matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Mula sa Taguig-Pateros District Hospital ay agad na inilipat sa Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City ang biktimang si Aurelio Paulino, 68, ng Brgy. Lower Bicutan ng naturang lungsod, subalit binawian rin ito ng buhay sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Kaugnay nito, nagpalabas ng kautusan si Taguig City Mayor Lanie Cayetano kay Senior. Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para sa agarang pagtukoy at pagdakip sa mga suspek.
Sa inisyal na report na natanggap ng pulisya, naganap ang insidente alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Manuel L. Quezon Avenue, Purok 3, Brgy. Lower Bicutan ng naturang lungsod.
Papauwi na ang biktima mula sa pagdu-duty nito bilang chairman sa naturang barangay, nang biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka lulan ang dalawang suspect.
Dito ay walang salitang pinaulanan ng bala ang naturang barangay chairman ng mga suspek, dahilan upang duguan itong tumumba.
Matapos ang pamamaril ay dali-daling pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklo at mabilis na nagsitakas. Ang biktima naman ay mabilis na dinala ng rescue team at nang rumespondeng mga barangay tanod sa naturang ospital, subalit binawian din ito ng buhay.
Inaalam ng pulisya kung may CCTV sa naturang lugar at kung nakuhanan ang naganap na pamamaril.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat sa insidente.
- Latest