Erap nag-gift giving sa MCJ, Tondo residents
MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng kanyang nakaugalian taun-taon, nagsagawa ng gift giving si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga preso sa Manila City Jail, bahay ampunan at ilang mga lugar sa lungsod.
Umaabot sa 3,600 na mga preso, babae at lalaki ang nabigyan ng grocery items na magagamit ng kanilang mga pamilya upang ihanda sa bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay Estrada, ang kanyang pamamahagi ng grocery items at ilang mga damit ay indikasyon lamang na hindi niya nalilimutan ang mga nasa Maynila.
Aniya, bagama’t nakakulong ang mga ito, may karapatan pa rin ang mga ito na ipagdiwang at gunitain ang Bagong Taon sa simpleng pamamaraan.
Lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ng mga MCJ inmates kay Estrada sa pagsasabing hindi ito nakakalimot sa kanila.
Pinayuhan din nito ang pamunuan ng MCJ na makipag-ugnayan sa kanya, sakaling may problema at kailangan ang MCJ.
Samantala, una nang nagsagawa ng gift giving sa Damas de Pilipinas, ang bahay ampunan na nasunog at ipina-renovate ng alkalde.
Ayon kay Estrada, maraming bata ang natulungan ng Damas kaya’t hindi niya ito maaaring pabayaan. Ang mga batang nasa ampunan ay may mga pangarap din na kailangan na suportahan ng pamahalaan.
Hindi rin nakalimutan ng alkalde ang pamamahagi ng grocery items sa mga residente na nagtungo sa Baseco Sports Complex, Delpan Sports Complex, Tondo Sports Complex, Smokey Mountain at Patricia Sports Complex.
- Latest